Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

TALON SA BAGONG BUHAY – Kabanata 32

Kabanata 32: Gastador

Mula Dior, sunod-sunod ang paglipat nila sa mga tindahan. 

Lumipat sila sa Fendi. Pagpasok pa lang, napahinto si Jiro. Malinis ang sahig, tahimik ang paligid, malamig ang hangin. Iba ang amoy. Parang hindi siya sanay sa ganitong lugar.

“Heto, anak, tingnan mo rin dito,” sabi ni Claire habang marahang hinihila siya papunta sa mga rack.

Dahan-dahan pa ang kilos ni Jiro. Hinahaplos niya ang tela ng mga damit na parang may kaba. Kapag may lalapit na saleslady, bahagya siyang natitigil.

“Sir, gusto niyo po bang sukatin?” tanong ng isa.

“Sige po,” sagot niya, medyo mahina ang boses.

Paglabas niya mula sa fitting room, tahimik siyang tumayo sa harap ni Claire.

“Bagay sa’yo,” sabi ni Claire.

Ngumiti si Jiro, pero halata pa rin ang hiya.

Mula Fendi, dumiretso sila sa Gucci. Dito, mas gumaan ang loob niya. May nakita siyang simpleng polo. Walang masyadong disenyo.

“Ma, pwede po ’to?” tanong niya.

“Kung gusto mo, kunin natin,” sagot ni Claire.

Sa Prada, mas mabilis na ang galaw niya. Hindi na siya nagdadalawang-isip. Kuha, sukat, tango. Sa Ferragamo, tuluyan na siyang nasanay. Hindi na niya hinahanap ang presyo. Hindi na siya natatakot humawak ng mga damit.

Pagdating sa Fauré Le Page, dire-diretso na siya sa pagpili.

“Ma, okay na ’to,” sabi niya, hawak ang ilang piraso.

“Kunin na natin lahat ’yan,” sagot ni Claire.

Nang matapos sila, saka lang natahimik si Jiro. Hawak niya ang resibo. Sa isip niya, isa-isa niyang pinagsama ang halaga ng mga pinamili.

P543,000.

“Jusko…” bulong niya.

Napatingin siya kay Claire. Normal lang ang mukha nito. Parang pangkaraniwan lang ang lahat.

Hindi lang pala siya ang may bitbit. Si Christian, may bagong belt. Si Monching, may cap. Si Esther, may ilang bagong damit na maingat niyang hawak. Tapos si Claire, dinagdagan pa ng isang brown na Gucci bag para kay Esther.

“Para sa’yo ’yan,” sabi ni Claire.

“Hala… sobra na po ’to,” sagot ni Esther.

Ngumiti lang si Claire.

Paglabas nila ng huling tindahan, napahigpit ang hawak ni Jiro sa mga dala niya. Mabigat. Hindi lang sa timbang.

“Tara,” sabi ni Claire. “Gutom na ’ko. Kain tayo.”

“Saan po?” tanong ni Jiro, tila hindi pa rin nakakabawi.

“Sa Wolfgang sa BGC,” sagot ni Claire.

Humirit pa ito, “Gusto ko rin kasi ng bagong shades. May bago raw models sa Gentle Monster. Malapit lang ’yun sa Wolfgang.”

Napatingin si Jiro kay Christian. Hindi niya kilala ang mga pangalang iyon.

Wolfgang. Gentle Monster.

Tahimik siyang tumango.

Sumunod na lang siya palabas.

Hindi pa rin malinaw sa kanya kung paano siya napunta sa ganitong mundo. Parang astang gastador na siya. Pero ramdam niya, hindi na siya babalik sa dati. /Itutuloy sa susunod na kabanata

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles