Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

TALON SA BAGONG BUHAY – Kabanata 17

Kabanata 17: Sa bukana

Lumiko ang asul na Toyota Vios papuntang Katipunan Avenue.

Biglang nagbukas ang kalsada.

Mas malapad ang daan kumpara sa makitid na kalye na pinanggalingan nila. Apat na lane ng sasakyan ang rumaragasa sa magkabilang direksyon. May mga jeep na biglang humihinto sa gilid para magsakay ng pasahero. May mga motorsiklong sumisingit sa pagitan ng mga kotse.

Mas mabilis ang takbo ng trapiko.

Sa kanan nila ay nadaanan nila ang isang mall. May mga estudyanteng naglalakad palabas ng entrance, may mga naka-uniform na grupo na may bitbit na backpacks. 

Tahimik si Jiro sa passenger seat.

Nakatingin siya sa labas ng bintana habang dumaraan ang mga sasakyan at gusali. Paminsan-minsan ay sumisilip siya sa salamin sa harap, parang sinusukat kung gaano pa kalayo ang pupuntahan nila.

“Insan,” sabi niya.

“O.”

“Malapit na ba?”

Tumango si Christian habang nakatutok sa manibela.

“Malapit na.”

Sa loob niya, kumakabog ang dibdib pero hindi iyon halata sa mukha niya.

Ilang minuto pa.

Sa harap nila, dahan-dahang lumitaw ang arko ng La Vista.

Malinis ang kalsada sa paligid ng gate. Mas tahimik kumpara sa highway na ilang metro lang ang layo. Ang mga bahay sa loob ay hindi agad makikita mula sa labas dahil sa matataas na puno at bakod.

Sa gilid ng gate ay may gasolinahan.

Doon nakaparada ang isang itim na sasakyan.

Nakatayo sa tabi nito ang dalawang tao.

Isa sa kanila ay si Monching.

Ang isa ay isang babae na matikas ang tindig, nakaayos ang buhok, at nakasuot ng maayos na blouse na parang para sa isang mahalagang araw.

Si Senator Claire De Dios.

Mahigpit ang hawak niya sa kanyang handbag.

Sa loob ng kotse, wala pang ideya si Jiro.

“Ang tahimik pala dito,” sabi niya habang nakatingin sa paligid.

“Parang ibang mundo.”

Ngumiti si Christian.

“Ganun talaga dito, insan.”

Sa gilid ng kalsada, nakita na ni Monching ang paparating na kotse.

“Ayan na ang kotse,” sabi niya.

Napatingin si Claire.

Mula sa malayo, nakita niya ang sasakyang papalapit.

Saglit siyang napahawak sa dibdib.

Ilang taon.

Ilang taon niyang hinihintay ang sandaling ito.

“Sen,” sabi ni Monching nang mahina.

“Andyan na sila.”

Hindi sumagot si Claire.

Nakatingin lang siya habang dahan-dahang lumalapit ang kotse.

Sa loob ng Vios, bumagal ang takbo ni Christian.

Kita na ang gasolinahan.

Kita na rin niya ang dalawang taong naghihintay.

Ito na.

Dahan-dahan niyang pinreno ang sasakyan.

Sa tabi niya, napakunot ang noo ni Jiro.

“Insan?”

“O.”

“Bakit tayo bumabagal?”

“Sandali lang.”

Unti-unting pumasok ang Vios sa gasolinahan sa tabi ng gate ng La Vista.

Huminto ang kotse.

Tahimik ang paligid.

Mula sa labas, nagsimulang lumapit ang dalawang tao.

Napatingin si Jiro sa windshield.

“Sino yun?”

Huminga nang malalim si Christian.

“Baba na tayo,” sabi niya.

“Dito na ba?” litong tanong ni Jiro.

Binuksan niya ang pinto at bumaba.

Paglabas niya ng kotse, tumapat sa kanya ang isang babaeng posturang-postura.

Matikas ang tindig. Maingat ang galaw.

Saglit siyang tinitigan nito.

Pagkatapos ay nagsalita.

“Anak.” /Itutuloy sa susunod na kabanata

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles