Kabanata 15: Ang lihim na misyon
Mahinang umaalingawngaw ang tunog ng kumukulong sabaw sa gitna ng mesa.
Ang malatang ay patuloy na bumubula. Umaakyat ang singaw na may halong amoy ng paminta, karne, at kung anu-anong pampalasa na hindi pamilyar kay Jiro. Paminsan-minsan ay hinihila niya ang mangkok palapit, sumasandok ng sabaw, saka hinihipan bago tikman.
Sa tapat niya, tahimik na nakikinig si Christian.
Pero sa loob ng isip niya, malinaw na malinaw ang lahat.
Alam na niya ito.
Alam niyang kaninang madaling araw, may inabot na sulat kay Jiro.
Alam niyang may singsing.
At alam niyang mula pa kanina, iisa lang ang misyon niya sa araw na ito.
Dalhin si Jiro sa La Vista.
“Insan,” sabi niya habang marahang hinahalo ang sabaw gamit ang sandok.
“Ano nga nangyari kanina?”
Huminga nang malalim si Jiro.
“Pagkagising ko.”
“Kita ko si nanay sa pasimano.”
Kumuha siya ng hipon mula sa palayok. Mainit pa ito kaya hinipan niya muna bago ipagpatuloy ang kuwento.
“May hawak siyang sobre.”
“Tsaka isang singsing.”
Bahagyang nagtaas ng kilay si Christian. Maingat ang reaksyon.
“Singsing?”
Tumango si Jiro.
“Parang mahal.”
Kinagat niya ang hipon.
“Sabi niya hindi na raw niya kayang itago.”
Patuloy na kumukulo ang sabaw sa gitna ng mesa.
“Hindi pala ako tunay niyang anak.”
“Ampon daw ako.”
Tahimik na tumango si Christian, kunwaring pinoproseso ang naririnig.
Sa loob-loob niya, walang bago.
Narinig na niya ang kuwento mula sa ama niyang si Monching bago pa sumikat ang araw.
“May nag-iwan daw sa akin noon,” patuloy ni Jiro.
“May sulat.”
“Tsaka yung singsing.”
Kumuha siya ng isa pang sahog sa sabaw. Parang squidball.
“May address sa loob.”
“Sa La Vista.”
Humigop siya ng sabaw at napangiti sandali.
“Grabe insan,” sabi niya. “Masarap talaga to.”
Napatawa si Christian nang bahagya.
Ngunit sa loob ng isip niya, mabilis ang takbo ng mga iniisip.
Ito na.
Nangyari na ang dapat mangyari.
Ang sulat. Ang tanong. Ang paghahanap.
Kinuha niya ang chopsticks at naglagay ng manipis na hiwa ng karne sa kumukulong sabaw.
“Anong ginawa mo pagkatapos?” tanong niya.
“Lumabas ako,” sagot ni Jiro.
“Naglakad.”
“Papunta sana sa La Vista.”
Napatingin si Christian sa kanya.
“Talaga?”
“Oo.”
Nagkibit-balikat si Jiro.
“Wala naman akong eksaktong address.”
“Gusto ko lang sana makita kung ano itsura.”
Sumalok siya ulit ng sabaw.
“Curious lang.”
Tahimik sandali si Christian.
Sa labas ng bintana ay dumaraan ang mga estudyante sa Maginhawa. Sa loob naman ng restaurant ay patuloy na kumukulo ang malatang sa mesa nila.
Sa isip niya, malinaw ang susunod na hakbang.
Huwag pilitin.
Huwag magmadali.
Hayaan si Jiro ang magsabi.
Ngumiti siya.
“Insan.”
Napatingin si Jiro.
“Kung La Vista lang naman pala.”
Tinuro ni Christian ang bintana kung saan nakaparada ang asul na Toyota Vios.
“May sasakyan naman tayo.”
Natigilan si Jiro.
“Talaga?”
Tumawa si Christian habang hinahalo ang sabaw.
“Dumaan tayo.”
“Silip lang.”
Nag-angat ng tingin si Jiro.
Sa mesa, patuloy na kumukulo ang sabaw.
At sa sandaling iyon, hindi pa niya alam na matagal nang naghihintay ang araw na ito. /Itutuloy sa susunod na kabanata


