Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

TALON SA BAGONG BUHAY – Kabanata 12

Kabanata 12: Insan

“Jiro!”

Napalingon siya.

Mula sa isang kotse sa gilid ng kalsada ay may lalaking kumakaway sa kanya. Bahagyang nakababa ang bintana.

“Hoy! Jiro!”

Napapikit sandali si Jiro bago niya tuluyang nakilala ang mukha.

“Christian!”

Ang pinsan niyang si Christian.

Hindi naman talaga sila magkamag-anak. Pero iyon ang tawag nila sa isa’t isa mula pa noong bata sila.

Mabilis na lumabas si Christian mula sa isang asul na Toyota Vios.

“Hoy! Ikaw nga, insan!” sabi niya habang papalapit.

Nagkakilala sila noong pareho silang siyam na taong gulang. Pareho silang naging sakristan sa Simbahan ng San Isidro Labrador, malapit sa tinitirhan nina Jiro.

Isang taon din silang halos araw-araw magkasama.

Sa mga misa sa umaga. Sa mga prusisyon kapag pista. Sa mga ensayo ng Knights of the Altar.

At siyempre, sa mga kabulastugan sa likod ng simbahan.

May mga pagkakataong nagtatago sila sa lumang storage room ng simbahan habang hinihintay ang susunod na misa. Doon sila nagkukuwentuhan, nagtatawanan, at minsan ay naglalaro ng maliit na Gameboy na laging dala ni Christian.

Sa kanya natuto si Jiro maglaro.

Kapag pahinga, pinapahiram ni Christian ang Gameboy habang nakaupo sila sa hagdan ng kumbento.

Minsan naman, may dala siyang headset.

“Makinig ka dito,” sabi niya noon.

At doon unang narinig ni Jiro ang mga kanta ng Ben&Ben.

Tandang-tanda pa ni Jiro ang Christmas party ng Knights of the Altar.

Nagpartner silang dalawa sa sayaw.

Despacito.

Hindi pa rin niya alam kung bakit iyon ang napili nilang kanta. Pero buong lakas silang sumayaw sa harap ng lahat. Tawang-tawa ang mga pari at mga magulang na nanonood.

Ngayon, nakatayo si Christian sa harap niya.

Mas matangkad na siya. Mas maayos ang bihis. Mukhang may kumpiyansa na sa galaw.

“Uy, ang tagal na ah!” sabi niya habang nakangiti.

“Ano ginagawa mo dito?”

Nagkibit-balikat si Jiro.

“Lakad lang.”

Tumango si Christian.

“Uy, papasok na ako sa UP Manila,” sabi niya. “Pre-med. Gusto ko maging doktor.”

Napatingin si Jiro sa kanya.

“Talaga?”

“Oo. Enrollment ko na rin sa mga susunod na araw.”

Pagkatapos ay ngumiti si Christian at itinuro ang kotse sa likod niya.

“Halika, kain tayo insan,” sabi niya. “Nakapunta ka na ba sa Maginhawa Street? Ang daming masarap na pagkain doon. Libre kita, insan!”

Napatingin si Jiro sa kotse.

“Sa’yo yan, Tian?” tanong niya.

Umiling si Christian habang natatawa.

“Sa kuya ko. Pinapag-aral na ako mag-drive e.”

Binuksan niya ang pinto sa passenger side.

“Halika na.”

Hindi nagdalawang-isip si Jiro.

Kahit hindi niya alam kung saan ang Maginhawa Street.

Sumakay siya sa kotse.

Umandar ang asul na Vios, papalayo sa kalsadang ilang sandali pa lamang ang nakaraan ay tinatahak niya mag-isa. /Itutuloy sa susunod na kabanata

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles