Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Sorry na! Organizers ng Panagbenga, humingi ng patawad sa mga na-injure dahil sa artificial turf

Humingi ng patawad ang pamunuan ng Baguio Flower Festival Foundation, Inc. matapos magreklamo ang ilang street dance performers na nakaranas ng paso at pananakit ng paa dahil sa artificial turf na inilatag sa Melvin Jones field para sa Panagbenga Grand Street Dance Parade.

Sa isang pahayag, inako ng Executive Committee Chairperson ng BFFFI na si Anthony R. De Leon ang buong responsibilidad sa nangyari. Aniya, layunin sana ng paglalagay ng artificial turf na mapabuti ang performance area kumpara sa mga nakaraang taon kung saan alikabok, bato at mainit na buhangin ang tinatapakan ng mga kalahok.

Ngunit inamin niyang nagkamali sila ng paghusga. “To the students, teachers, trainers, and contingents who experienced pain, injury, and distress, I apologize for this error in judgement and take full responsibility,” saad ni De Leon. Idiniin din niya na walang kasalanan ang street dance committee at ang mga performers at nasa kanya ang pananagutan bilang chairperson.

Samantala, ipinaliwanag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na ang intensyon ng paglalagay ng artificial turf ay para maging mas komportable at mas ligtas sana ang tapakan ng mga performers. Gayunman, dahil sa matinding init noong araw ng parada, uminit ang ibabaw ng turf at nagdulot ng paso sa paa ng ilang kalahok. Ayon sa alkalde, hindi ito inasahan ng mga organizer.

Ayon sa BFFFI, nakikipag-ugnayan na sila sa mga apektadong paaralan at contingent leaders upang maidokumento ang mga insidente at makapagbigay ng kaukulang tulong. Isasagawa rin ang agarang review sa naging desisyon, safety assessment at implementasyon ng turf. Nangako rin sila ng konsultasyon sa mga paaralan at cultural practitioners bago magpatupad ng kaparehong hakbang sa mga susunod na festival. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles