Dalawang grupo ang humiling sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na imbestigahan si Sen. Rodante Marcoleta matapos nitong aminin na hindi niya idineklara ang ilang campaign contributions na natanggap noong 2025 senatorial elections.
Sa liham na may petsang February 24 kay BIR Commissioner Charlito Mendoza, sinabi ng Kontra Daya at Advocates of Public Interest Law na ang pag-amin ni Marcoleta na hindi niya idineklara ang campaign contributions na natanggap niya noong nagdaang eleksyon ay may “substantial tax implications that fall squarely within the jurisdiction of the BIR.”
Ayon sa mga nagreklamo, hindi lang ito usapin ng election law kundi pati ng tax compliance.
Binanggit ng mga grupo na ang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ay isang sworn document na kinakailangan ng batas. “The deliberate omission of material financial information undermines tax administration and compliance, and warrants thorough investigation by this Honorable Commission,” diin nila.
Ipinaliwanag ng mga nagreklamo na sa ilalim ng National Internal Revenue Code, ang mga donasyon sa kandidato ay karaniwang sakop ng donor’s tax maliban kung may tahasang exemption. Kung hindi naideklara ang mga ito, posible umanong hindi rin nabayaran ang kaukulang buwis ng mga donor. “Ang sinadyang pagtatago ng campaign donations ay nagbubukas ng posibilidad na hindi nabayaran ang donor’s tax,” pahayag ng mga grupo.
Lumutang ang isyu matapos aminin ni Sen. Marcoleta na hindi niya inilathala sa kanyang SOCE ang ilang kontribusyon mula sa mga kaibigan na humiling na manatiling anonymous.
Hanggang ngayon, wala pang inilalabas na pormal na tugon ang kampo ng senador hinggil sa panawagan para sa imbestigasyon. /Bistado


