Uminit ang pagdinig sa Senado nitong March 24 matapos mapansin ni Sen. Loren Legarda ang hindi pagdalo ni Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin sa unang pulong ng Senate Committee on Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT).
Sa gitna ng talakayan hinggil sa sitwasyon ng langis at mga hakbang ng pamahalaan, iginiit ni Legarda na mahalaga ang presensya ng DOE bilang pangunahing ahensyang inaasahang maglalahad ng datos at plano sa gitna ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Diretsahan niyang tinuligsa ang kawalan ng kalihim at kinuwestiyon ang dahilan nito. Ayon kay Legarda, hindi patas na ituro sa Senado ang kakulangan sa aksyon kaugnay ng paggamit ng pondo ng Philippine National Oil Company o PNOC. Sinabi niya na hindi dapat sisihin ang Kongreso sa isyu kung hindi naman ito naipaalam noong may sesyon pa.
“Because it’s important na hindi tinuturo sa atin na nag-break tayo kaya ang PNOC hindi makagamit ang kanyang pera. That’s unfair. E ang Secretary nga ninyo wala dito, kung anong pamamulitik ang ginagawa naman ng Secretary niyo?” ani Legarda sa pagdinig.
Ipinunto rin ng senador na kung naipabatid nang maaga ang pangangailangan ng congressional approval para magamit ang pondo ng PNOC, hindi sana nag-break ang Senado. Aniya, hindi nila ipagpapaliban ang sesyon kung may mahalagang usapin na kailangang tugunan.
Pero mukhang umabot kay Garin ang galit ni Sen. Loren, dahil humabol din naman ang kalihim sa committee hearing bandang hapon na ngayong araw.
Bukod sa isyu ng PNOC, kinuwestiyon din ni Legarda ang naging pahayag ng DOE kaugnay ng excise tax sa langis. Ayon sa kanya, humiling ang ahensya ng agarang aksyon para sa excise tax ngunit kalaunan ay hindi rin malinaw kung kailan ito ipatutupad, bagay na nagdulot ng kalituhan sa publiko.
Binanggit din ng senador na kung kinakailangan, dapat handang magtrabaho ang pamahalaan kahit sa panahon ng Holy Week para tugunan ang krisis sa enerhiya. Iginiit niya na mahalaga ang pagdinig at dapat ay present ang mga opisyal na may direktang mandato sa usapin.
Sa parehong pagdinig, sinabi ni Sen. Win Gatchalian na handa ang Senado na magpatawag ng special session kung kinakailangan para matugunan ang mga isyung may kinalaman sa enerhiya at presyo ng langis. Nanawagan din siya na dumalo ang DOE secretary sa mga pagdinig ng Senado.
Ang pagdinig ng Senate PROTECT committee ay nakatuon sa pagsusuri ng tugon ng pamahalaan sa krisis sa enerhiya, kabilang ang pagtaas ng presyo ng langis at ang paggamit ng mga available na pondo at polisiya para mabawasan ang epekto nito sa publiko. /Bistado


