Naghain si Senadora Risa Hontiveros ng panukalang P52.8 bilyong supplemental budget para palakasin ang ayuda sa mga sektor na apektado ng lumalalang oil crisis, kabilang ang mga driver, magsasaka, mangingisda, at overseas Filipino workers.
Sa paghahain ng Senate Bill No. 1986 noong March 18, sinabi ni Hontiveros na kulang ang kasalukuyang pondo para makapagbigay ng mas epektibo at makabuluhang tulong, lalo na kung magpapatuloy ang epekto ng tensyon sa Middle East sa presyo ng langis.
“Magandang simula ang suspension of excise taxes, pero hindi pwedeng yan ang solong sagot ng gobyerno sa lumalala, sanga-sanga at mukhang tatagal na oil crisis. Kailangan natin ang supplemental budget para sa epektibo at hindi tingi na subsidy programs,” ani Hontiveros.
Ayon sa panukala, P12 bilyon ang ilalaan para sa transport subsidy na para sa public transport drivers, kabilang ang delivery riders at TNVS drivers. Bahagi rin nito ang pondo para sa service contracting program ng Department of Transportation.
May nakalaan ding P2.8 bilyon na agricultural subsidy sa ilalim ng Department of Agriculture para sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng pagtaas ng presyo ng fuel at fertilizer. Layunin nitong maiwasan ang pagbaba ng produksyon ng pagkain.
Pinakamalaki ang bahagi ng panukala ay P38 bilyon para sa mga OFW, kung saan P18 bilyon ang para sa repatriation at P20 bilyon para sa reintegration at livelihood programs sakaling may mga Pilipinong kailangang umuwi dahil sa lumalalang sitwasyon sa Middle East.
Diniin ni Hontiveros na limitado ang pondo sa kasalukuyan para sa ayuda.
“Sa ngayon kasi, ang pondo lang sa transport subsidy ay P2.5 billion mula continuing funds sa 2025 budget. Yung agricultural subsidy, P150 million lang. At humingi na ng tulong ang Department of Migrant Workers dahil P1.76 billion lang ang emergency funds,” ani niya.
Nanawagan ang senadora na agarang aksyunan ang panukala sa Kongreso.
“Itong gulo sa Middle East at ang oil crisis ay hindi matatapos bukas o sa susunod na linggo. Kailangan maging handa tayo, kahit gaano pa katagal ang problema. We should start by ensuring that we have the funds to help our kababayans in the many challenging days ahead,” diin ni Hontiveros. /Bistado


