Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

PUVs, magtataas ng pasahe simula Martes

Magtataas ng pamasahe ang ilang pampublikong sasakyan sa Metro Manila simula Martes matapos aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang provisional fare adjustments habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis. 

Nakatakdang ihayag ng LTFRB ang eksaktong halaga ng dagdag-pasahe sa Martes matapos isumite sa Department of Transportation (DOTr) ang mga rekomendasyon ng ahensya.  

Ipinaliwanag ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II na tiyak ang pagtaas ng pamasahe ngunit kailangan munang pag-aralan ang eksaktong halaga bago ito ipatupad. Sinabi niyang isinusumite lamang ng LTFRB sa DOTr ang mga datos at basehan para sa fare adjustment habang isinasaalang-alang ang epekto sa mga pasahero at sa sektor ng transportasyon.  

“Ito ang pinakamasalimuot na desisyon ng LTFRB kasi binabalanse ang kakayahan ng mga mananakay pambayad naman ng pamasahe,” pahayag ni Mendoza.

Nauna nang nagpatupad ng provisional fare increase ang mga provincial bus kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel. Ayon sa updated fare guide na inilabas ng LTFRB, nadagdagan ng P1 ang base fare ng ordinary provincial buses at may karagdagang P0.30 sa bawat susunod na kilometro. Itinakda rin ang minimum fare sa P12 para sa unang limang kilometro.  

Sa bagong fare matrix, ang ordinary provincial bus ay may singil na P2.20 sa bawat kilometro pagkatapos ng unang limang kilometro. 

Para sa regular air-conditioned buses, itinakda ang base fare sa P12.25 at P2.45 sa bawat susunod na kilometro. Ang deluxe buses ay may dagdag na P0.35 bawat kilometro, habang ang luxury buses ay may P0.45 na dagdag bawat kilometro sa pamasahe.  

Nananatili ang 20 percent discount para sa senior citizens, persons with disabilities, at mga estudyante sa ilalim ng umiiral na patakaran ng pamahalaan.  

Kasunod ng pagtaas sa provincial buses, inaasahang susunod ang ibang uri ng pampublikong transportasyon. Ayon sa LTFRB, kabilang sa mga naghain ng petisyon para sa fare adjustment ang jeepneys at city buses, habang hiwalay pang dadaan sa konsultasyon ang mga petisyon mula sa taxis at UV Express.  

Ayon sa DOTr at LTFRB, patuloy ang pag-aaral sa epekto ng fare adjustment sa inflation at sa pang-araw-araw na gastos ng mga commuter. Layunin umano ng pamahalaan na mahanap ang balanse sa pagitan ng pangangailangan ng transport operators na makabawi sa mataas na gastos sa krudo at ng kakayahan ng publiko na magbayad ng pamasahe. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles