Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Puchu-puchung aksyon

Ang krisis sa Middle East ay hindi lamang usapin ng geopolitics. Usapin ito ng presyo ng gasolina sa bawat kanto ng Pilipinas. Kapag sumabog ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, sunod-sunod ang epekto. Pamasahe. Kuryente. Presyo ng pagkain. Gastos sa produksyon. Lahat tumataas.

At ngayon, malinaw na nakaamba ang ganitong sitwasyon.

Lumala ang tensyon matapos ang mga pag-atake sa Iran at ang mga retaliatory strike sa rehiyon. Ang Strait of Hormuz, isang makitid na daanan ng barko kung saan dumadaan ang halos 20 porsiyento ng supply ng langis sa mundo, ay naapektuhan ng labanan at pagbabanta sa mga tanker. Ayon sa mga ulat sa pandaigdigang merkado, bumagsak ang trapiko ng tanker at sumipa ang presyo ng krudo sa higit $100 bawat bariles sa unang pagkakataon sa ilang taon.  

Kapag nagpatuloy ang pagkagambala sa supply, may mga analyst na nagbabala na maaari pang umabot sa $150 bawat bariles ang presyo ng langis.  

Para sa Pilipinas, hindi ito abstraktong numero. Halos 90 porsiyento ng langis ng bansa ay inaangkat mula sa ibang bansa. Kaya bawat pagtaas sa pandaigdigang presyo ay diretso ang tama sa lokal na merkado.  

Narito ang mas konkretong babala. Ayon sa Department of Energy (DOE), posibleng pumalo sa halos ₱90 bawat litro ang diesel kung magtuloy-tuloy ang Middle East conflict.  

May mga ulat pa na nagbabadya ng malalaking dagdag presyo sa mga susunod na linggo. Tinatayang aabot sa halos ₱19.62 ang dagdag sa diesel, ₱10.43 sa gasolina, at halos ₱25 sa kerosene kung tuluyang sumipa ang pandaigdigang presyo ng krudo.  

Ano ang tugon ng gobyerno?

May ilang hakbang na inanunsyo. Sabi ng DOE, nakabantay sila ngayon lalo sa  mga gasolinahan na napaagang nagtaas ng presyo. Nagbabala rin ang mga senador laban sa premature price hikes. Hihiling din ang Malacañang sa Kongreso ng emergency authority para mabawasan ang excise tax sa langis.  

May mungkahi ring magpatupad ng apat na araw na workweek sa ilang ahensya upang makatipid sa gasolina at utos sa mga tanggapan ng gobyerno na bawasan ang konsumo ng enerhiya ng 10 porsiyento.  

Mahahalagang hakbang ito. Pero maliit kung ihahambing sa laki ng problemang paparating.

Matagal nang kahinaan ng bansa ang kawalan ng kontrol ng gobyerno sa presyo ng petrolyo. Kapag tumaas ang presyo sa pandaigdigang merkado, walang sapat na mekanismo ang gobyerno para pigilan ang pagpasa ng dagdag-gastos sa mga mamamayan. Kapag may krisis sa supply, mabilis ang domino effect sa buong ekonomiya.

Ang una nitong tinatamaan ay ang sahod ng manggagawa. Kaya nga panawagan ng Trade Union Congress of the Philippines, kailangang kumilos ang gobyerno agad para maprotektahan ang purchasing power ng mga manggagawa dahil ang pagtaas ng presyo ng Langis.

Pero may mas malalim pang usapin.

Ang krisis sa presyo ng langis ay hindi lamang lokal na problema. Nanggagaling ito sa pandaigdigang tensyon na nagtutulak sa pagtaas ng presyo ng enerhiya. Kapag lumawak ang digmaan sa Middle East, tataas ang presyo ng krudo sa buong mundo. Kapag nangyari iyon, walang bansang ligtas sa inflation shock.

Sa gitna ng ganitong sitwasyon, may pagkakataon ang administrasyon na ipakita ang tunay na malasakit sa milyon-milyong OFW, sa mga mahihirap na Pilipino, at sa buong ekonomiya sa pamamagitan ng pagtulak ng deescalation sa pandaigdigang sigalot na nagtutulak sa pagtaas ng presyo ng langis. Ano ba namang tumindig ang Pilipinas gaya ng Spain at manawagan ding itigil na ang digmaan.

Hindi sapat ang maliit na hakbang kung ang krisis ay pandaigdigan ang pinagmulan.

May mga matitibay na hakbang na kailangan: Panloob na hakbang para protektahan ang mga mamimili. Mas matibay na patakaran sa enerhiya upang mabawasan ang pagdepende sa imported na langis. At aktibong diplomasya para itulak ang paghupa ng tensyon sa pandaigdigang arena.

Kung hindi gagawin ang mga ito, isang bagay ang malinaw. Ang susunod na krisis sa presyo ng langis ay hindi lamang magiging usapin ng gasolina. Magiging usapin ito ng inflation, sahod, trabaho, at kabuhayan ng milyon-milyong Pilipino.

At kapag dumating ang ganoong krisis, hindi pwedeng puchu-puchu ang sagot ng pamahalaan. Ang malalim na problema ay nangangailangan ng seryosong aksyon. Dahil sa gyerang ito, lahat damay, lahat talo kapag walang aksyon. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles