MANILA — Lusot na sa ikatlo at pinal na pagbasa noong March 16 sa House of Representatives ang panukalang batas na magbibigay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng kapangyarihan para suspindihin o bawasan ang excise tax sa produktong petrolyo.
Layunin ng panukala na payagan ang Pangulo na kumilos kapag may matinding pagtaas sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na may direktang epekto sa presyo ng krudo sa bansa.
Sa ilalim ng panukalang inaprubahan ng Kamara, bibigyan ang Pangulo ng awtoridad na pansamantalang ipatigil o bawasan ang excise tax sa fuel bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng langis.
Ang hakbang ay isinusulong sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, na nakaapekto sa pamasahe, transportasyon, at presyo ng mga bilihin.
Nauna nang sinabi ng Palasyo na ang panukalang ito ay bahagi ng mga hakbang ng pamahalaan para maibsan ang epekto ng oil price hikes sa publiko.
Habang umusad na sa Kamara ang panukala, tinututukan na rin ito sa Senado.
Ilang senador ang nananawagan ng agarang pagpasa ng kanilang bersyon ng panukalang batas na magpapahintulot sa suspensyon ng excise tax sa langis. Sinabi ng mga senador na mahalaga ang mabilis na aksyon para makatulong sa mga konsyumer sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.
Kapag naaprubahan ng Senado at nalagdaan bilang batas, magkakaroon ang Pangulo ng kapangyarihan para magpatupad ng suspensyon o pagbawas sa fuel excise tax batay sa umiiral na kondisyon sa merkado ng langis. /Bistado


