Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Pinay caregiver, unang casualty sa lumalalang Middle East conflict

Isang Pilipinang caregiver sa Israel ang nasawi matapos tamaan ng shrapnel sa gitna ng palitan ng missile at airstrike sa pagitan ng Israel at Iran, ayon sa kumpirmasyon ng Malacañang. Siya ang unang kumpirmadong Filipino casualty sa lumalalang Middle East conflict.

Kinilala ng pamahalaan ang biktima bilang si Mary Anne Velazquez Rivera, 32 anyos, mula sa Basista, Pangasinan. 

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tinamaan si Rivera habang tinutulungan ang kanyang elderly ward na makapasok sa bomb shelter sa Tel Aviv noong gabi ng Pebrero 28.

Sa isang video message Linggo ng gabi, sinabi ng Pangulo, “Ikinalulungkot ko na meron po tayong natanggap na report na meron na pong casualty na Pilipino dito po sa giyera na nangyayari po sa Middle East. Nareport po sa atin ay namatay po ang isang Mary Anne Velazquez Rivera na taga-Pangasinan.”

Dagdag pa niya, “Siya po ay isang caregiver sa Israel na tinutulungan ang kanyang alaga para dalhin sa bomb shelter ngunit hindi na po nakaabot sa bomb shelter at inabutan na sila bago sila nakarating. Siya ay namatay dahil tinamaan ng shrapnel ng mga bumagsak na bomba.”

Batay sa pahayag ng Embassy of Israel sa Pilipinas, tinamaan ng Iranian missile ang apartment building kung saan nakatira si Rivera kasama ang kanyang pasyente. Isinugod siya sa ospital ngunit idineklarang patay habang dinadala ng mga paramedic. Ang kanyang pasyente ay nasugatan ngunit nailigtas nang buhay mula sa mga guho.

Kinumpirma rin ni Marcos na nakilala ang biktima sa pamamagitan ng kanyang asawa, na isa ring overseas Filipino worker (OFW) sa Israel. “Na-identify na po siya ng kanyang asawa na isang OFW din na nagtatrabaho sa Israel,” aniya.

Tiniyak ng Pangulo ang tulong ng gobyerno sa pamilya. “Lahat po ng tulong na kakailanganin ng kanilang pamilya ay ihahatid ng ating pamahalaan,” diin niya. Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) Ilocos Region, may minimum na P100,000 financial assistance na ibibigay sa pamilya, bukod pa sa repatriation ng labi at iba pang benepisyo mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)

Sa hiwalay na pahayag noong Marso 2, sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na patuloy silang nagbibigay ng agarang tulong sa mga OFWs na naapektuhan ng tumitinding tensyon. 

Nilahad ng ahensya na may 57 OFWs na patungo sanang Abu Dhabi ang na-stranded sa Hong Kong International Airport at ligtas na nakabalik sa Maynila madaling araw ng Lunes. Agad silang sinalubong at inasikaso ng mga team ng DMW at OWWA.

Nanatiling naka-heightened alert ang DMW at mga embahada sa mga apektadong lugar sa Middle East habang patuloy ang pag-monitor sa mga ulat mula sa rehiyon.

“Patuloy po ang ating pag-monitor sa kalagayan ng ating kababayan na nasa gitna nitong gyera dahil patuloy pa rin sa Middle East. Asahan po ninyo na kapag mayroong tayong mai-rereport ay irereport ko po sa inyo kaagad,” pahayag ng Pangulo. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles