Bumalik sa antas na halos kapantay ng panahon ng pandemya ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho, batay sa pinakabagong datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Biyernes.
Ayon sa PSA, umabot sa 5.8 porsyento ang unemployment rate noong January 2026. Katumbas ito ng humigit-kumulang 2.96 milyon Pilipinong nasa hustong edad na walang trabaho.
Mas mataas ito kumpara sa naitalang 4.4 porsyento noong December 2025. Sa naturang buwan, nasa 2.26 milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho, batay sa naunang datos ng PSA.
Sa madaling sabi, halos anim sa bawat 100 Pilipinong kabilang sa labor force ang walang trabaho sa pagsisimula ng taon.
Kung ihahambing, ang antas ng unemployment noong January ay halos kapantay ng mga naitalang bilang noong panahon na patuloy pang bumabangon ang ekonomiya mula sa epekto ng pandemya.
Noong June 2022, umabot sa 6.03 porsyento ang unemployment rate sa bansa, isa sa pinakamataas na naitalang pigura matapos ang matinding epekto ng pandemya sa ekonomiya at trabaho.
Ang pinakabagong datos ng PSA ay nagpakita na muling tumaas ang bilang ng mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa simula ng taon kumpara sa huling buwan ng 2025.
Ang ulat ay batay sa Janunary 2026 Labor Force Survey ng PSA, na pangunahing batayan ng gobyerno para masukat ang kalagayan ng trabaho sa bansa. /Bistado


