Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Pambabato ng granada sa Basilan, kinundena

Kinundena ng mga opisyal ng Basilan ang pambabato ng granada sa isang gusali sa Barangay Malakas, Lamitan City noong Martes ng gabi, na ikinasugat ng isang manggagawa at nagdulot ng pinsala sa bagong-tayong establishment,

Ayon kay Basilan Gov. Mujiv Hataman, walang puwang ang ganitong uri ng karahasan sa lalawigan. “We strongly condemn the grenade-throwing incident in Barangay Malakas, Lamitan City,” pahayag ng gobernador noong Miyerkules. 

Dagdag pa niya, “This type of violence has no place in our community, especially as we all strive to maintain peace in our province.”

Kinilala ng pulisya ang nasugatang manggagawa na si Rebel Masulog, 22 anyos, residente ng Cabaluran, Midsalip, Zamboanga del Sur. Dinala siya sa ospital matapos tamaan ng pagsabog.

Ayon sa ulat ng pulisya, naghagis ng granada ang hindi pa nakikilalang salarin malapit sa bagong tayong gusali ng isang Jollibee branch sa lungsod, gabi ng March 3. Pumutok ang granada at nagdulot ng pagkasira sa establishment. Nabutas ang konkretong pader at nabasag ang ilang bintana dahil sa shrapnel ng sumabog na pampasabog.

Saksi sa insidente ang security guard na si Jemar Rivera na nasa ilang metro lamang ang layo mula sa pinangyarihan ng pagsabog. Ayon sa kanyang salaysay sa pulisya, nabigla siya sa lakas ng pagsabog at hindi niya nakita kung sino ang naghagis ng granada.

Naglabas din ng pahayag si Lamitan City Mayor Roderick Furigay at kinondena ang insidente. “This senseless act of violence has no place in our peaceful community. We are deeply concerned for the safety and well-being of our residents and visitors,” aniya.

Nanawagan ang alkalde sa mga residente ng Lamitan na manatiling kalmado ngunit maging mapagmatyag. Hinikayat niya ang publiko na agad ireport sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang kilos sa kanilang lugar.

Sinabi ni Hataman na magbibigay ng pabuya ang pamahalaang panlalawigan sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magtuturo sa responsable.

Nakatakda sanang magbukas sa March 7 ang naturang Jollibee branch, na unang sangay ng food chain sa Lamitan City. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles