Palalawigin ng pamahalaan ang pamamahagi ng fuel subsidy para sa transport sector sa buong bansa simula April 6, ayon sa Malacañang, bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, bahagi ito ng whole-of-government approach ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng krudo sa mga driver, commuter, at iba pang sektor.
“Sa April 6 naman magsisimula ang nationwide rollout para sa ibang transportation workers,” ani Castro.
Sinabi ng Malacañang na halos 100,000 tricycle drivers na ang nakatanggap ng fuel subsidy alinsunod sa direktiba ng Pangulo. Inaasahang mas marami pang transport workers ang makikinabang sa susunod na rollout.
Bukod sa transport sector, kabilang din sa makakatanggap ng tulong ang mga magsasaka at mangingisda. Ayon kay Castro, may karagdagang P50 milyon na inilaan para sa regional field offices para suportahan ang fuel assistance para sa kanila.
Samantala, nagpapatupad din ang pamahalaan ng iba pang hakbang para maibsan ang gastusin ng publiko. Kabilang dito ang libreng sakay sa ilalim ng Love Bus program sa Metro Manila, Metro Cebu at Metro Davao, gayundin ang 50 porsiyentong diskwento sa pasahe sa LRT-2 at MRT-3.
Ayon pa sa Malacañang, patuloy na binabantayan ng pamahalaan ang presyo ng mga pangunahing bilihin. “Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan… upang panatilihing mababa ang presyo ng mga bilihin,” ani Castro.
Dagdag niya, nagsasagawa rin ng hakbang ang pamahalaan para masiguro ang sapat na suplay ng langis mula sa mga partner na bansa at mapalakas ang kapasidad ng enerhiya, kabilang ang paggamit ng Malampaya gas field at pagpasok ng mga bagong power projects. /Bistado


