Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Palm oil sa Mindanao, palalakasin ng DA

Balak palakasin at palawakin ng Department of Agriculture (DA) ang pagtatanim ng palm oil sa Mindanao bilang bahagi ng mas malawak na hakbang para pataasin ang lokal na produksyon ng naturang produkto at mabawasan ang pagdepende ng bansa sa imported na suplay.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., plano ng ahensya na itaas sa Php1.2 bilyon ang pondo para sa oil palm sector sa 2027. Ito ay matapos maibaba sa Php79 milyon ang panukalang Php1 bilyon pondo para sa taong ito. Giit ni Tiu Laurel, kailangang seryosohin ang pamumuhunan sa sektor na may malinaw na kita para sa mga magsasaka.

“Let’s invest where farmers earn,” ani Tiu Laurel, sabay diin na dapat nakaayon ang paggastos ng gobyerno sa datos ng kakayahang kumita ng isang pananim.

Sa datos ng DA, umaabot sa 3.8 metric tons kada ektarya ang ani ng oil palm. Sa niyog, mas mababa sa isang metric ton kada ektarya ang karaniwang ani. Dahil dito, hindi bababa sa doble ang kita ng oil palm farmers kumpara sa tinatayang Php90,000 kada taon na kinikita ng mga coconut farmer.

Sa kasalukuyan, nasa 100,000 ektarya ang lawak ng oil palm plantations sa buong bansa, at karamihan ay nasa Mindanao. Target ng DA na pabilisin ang area expansion at pataasin ang farm productivity sa pamamagitan ng fertilizer assistance at iba pang suporta.

Layunin ng mga hakbang na ito na palakasin ang lokal na produksyon habang tinitiyak na may sapat na suplay ng dekalidad na punla at suporta sa mga magsasaka. Para sa DA, malinaw ang direksyon, palaguin ang industriya ng palm oil sa Mindanao at tiyaking mas kumikita ang mga magsasaka sa kanayunan. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles