“Hindi nag-iisip.”
Yan ang banat ni Palace Press Officer Claire Castro kay Vice President Sara Duterte matapos maliitin ng bise presidente ang sitwasyon ng repatriation ng mga Pilipino sa Middle East at igiit na “napakadali” lamang magpadala ng eroplano para sunduin ang mga stranded na OFW.
Sa isang video interview na inilabas sa kanyang Facebook page, sinabi ni Duterte na hindi umano mahirap magsagawa ng rescue flights. “Napakadali magpadala ng eroplano eh, sa totoo lang,” ani Duterte.
Ikinuwento rin niya ang naging karanasan ng Davao City government noong panahon ng COVID-19 pandemic. Ayon sa kanya, nangontrata umano sila noon ng commercial airlines para magsundo ng mga taong nais umuwi sa Davao City.
“Nagkontrata kami ng commercial airline. Sabi namin, isasakay namin sila lahat, babayaran namin kayo using COVID funds,” sabi ni Duterte. Dagdag pa niya, ilang ulit na umano nilang ginawa ang ganitong operasyon. “Hindi ganyan kahirap magpadala ng eroplano kung saan mo gusto kumuha or magrescue ng tao.”
Ngunit ayon kay Castro, ipinapakita ng pahayag ng bise presidente ang kakulangan sa pag-unawa sa aktuwal na sitwasyon sa Middle East.
“Unang-una po siguro, ‘yan ang problema po sa mga hindi nag-aaral at hindi nag-iisip at hindi inaalam po ano talaga ang programa ng gobyernong ito,” ani Castro.
Ipinaliwanag ng Palasyo na limitado o sarado ang ilang airspace sa rehiyon dahil sa tumitinding tensyon sa Middle East, dahilan kung bakit hindi basta makapagpadala ng rescue flights ang pamahalaan. Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakaantabay ang repatriation efforts habang hinihintay ang mas ligtas na kondisyon ng paglipad.
Sa video, iginiit pa ni Duterte na may kakilala siyang Pilipino sa Dubai na nakauwi sa Pilipinas sa pamamagitan ng commercial flight. “Kasi isang kaibigan ko galing Dubai, papauwi na siya ng Pilipinas. Commercial flight siya,” aniya.
Ngunit ayon kay Castro, hindi dapat ibatay sa personal na karanasan o tsismis ang mga desisyon ng pamahalaan. “Dahil kung diyan po mangagaling ang iyong desisyon, malamang lumigwak ang buong Pilipinas kung puro kaibigan, puro tsismis lang po ang ating pagbabasehan ng desisyon,” sabi niya.
Dagdag pa ng tagapagsalita ng Palasyo, mahalaga na ang mga lider ay marunong mag-aral ng sitwasyon bago magsalita. “Mas maganda po talaga, ang isang lider natin ay marunong mag-isip, marunong magdesisyon, hindi para sa sarili lamang, kundi para sa buong bayan,” ani Castro. /Bistado


