Nasa P718 milyon halaga ng iligal na droga ang nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)sa magkahiwalay na operasyon sa Manila International Container Port sa Tondo, Maynila at sa Cavite madaling araw ng Sabado, March 7.
Sa operasyon sa Manila International Container Port sa Tondo, nasamsam ng pinagsamang pwersa ng PDEA, Bureau of Customs, at Philippine Coast Guard ang 800 kilo ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng PHP640 milyon.
Ayon sa mga awtoridad, isang suspek na gumagamit ng alyas na Manalo ang naaresto sa naturang operasyon. Natuklasan ang mga pakete ng marijuana sa loob ng isang container shipment na dumaan sa nasabing pantalan.
Samantala, sa hiwalay na operasyon sa Cavite, nakasabat din ang mga operatiba ng hinihinalang shabu. Aabot ng P718 milyon ang kabuuang halaga ng iligal na droga na nasamsam sa dalawang operasyon.
Ayon sa PDEA, patuloy ang koordinasyon ng kanilang ahensya sa iba pang law enforcement units para matukoy ang mga sangkot sa pagpasok at distribusyon ng iligal na droga sa bansa.
Isinailalim na sa kustodiya ng mga awtoridad ang mga nakumpiskang iligal na droga bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon sa kaso.
Inihahanda rin ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act 9165. /Bistado


