Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

P5K fuel subsidy sa PUV drivers, sisimulang ipamahagi next week

Sisimulan na sa susunod na linggo ang pamamahagi ng P5,000 fuel subsidy para sa mga driver ng public utility vehicles (PUVs) bilang agarang tugon sa pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon kay Transportation Secretary Giovanni “Banoy” Lopez, iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbibigay ng tulong-pinansyal para mabigyan ng agarang ginhawa ang mga manggagawa sa transportasyon na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng krudo.

Para mapabilis ang pamamahagi ng subsidy, nagpatawag ng pulong si Executive Secretary Ralph Recto kasama ang mga alkalde ng Metro Manila upang pag-usapan ang koordinasyon sa distribusyon ng tulong.

Unang ipatutupad ang pamamahagi sa Metro Manila simula Martes sa susunod na linggo. Prayoridad na makatatanggap ang mga tricycle driver na nasa ilalim ng jurisdiction ng mga lokal na pamahalaan, susundan ng mga jeepney operator at driver at iba pang sektor ng transportasyon.

Ipapamahagi ang tulong sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS program.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, kabilang na ngayon sa tinuturing na mga indibidwal na nasa krisis ang mga driver na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel dahil direktang apektado ang kanilang kabuhayan.

Dagdag pa ni Gatchalian, ang mga alkalde sa Metro Manila ang magsusumite ng listahan ng mga tricycle driver sa pamamagitan ng kanilang local regulatory units para mapabilis ang pagproseso ng tulong.

“By Tuesday next week, sisimulan na natin iyong pagbigay ng tulong-pinansiyal na naghahalaga sa five thousand pesos sa mga apektadong sektor na nabanggit ho namin,” ani Gatchalian.

Sabayan ding ipatutupad ang pamamahagi ng subsidy sa buong Metro Manila bago palawakin sa iba pang rehiyon sa bansa.

Naglaan ang DSWD ng P30 billion mula sa AICS budget para matiyak na may pondo para sa tulong kung magpapatuloy ang krisis sa pandaigdigang presyo ng langis. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles