Mahigit ₱31.4 milyon halaga ng pekeng data storage devices ang nasamsam ng National Bureau of Investigation (NBI) sa serye ng operasyon sa Maynila nitong March 16.
Ayon sa NBI–National Capital Region, target ng operasyon ang paglaganap ng mga storage device na may pekeng tatak ng kilalang international brands.
Sa bisa ng search warrants, sinalakay ng mga operatiba ang dalawang lokasyon sa Maynila kung saan natuklasan ang libu-libong counterfeit items.
Sa Quiapo, nakumpiska ang 5,474 piraso ng SD, microSD, SDHC, at SDXC memory cards, pati USB flash drives at hard drives na may tatak na “SANDISK,” “SANDISK ULTRA,” at “EXTREME PRO,” na nagkakahalaga ng ₱23,367,750.
Sa hiwalay na operasyon sa San Miguel, Maynila, nasamsam ang 1,124 units ng 2TB at 4TB external portable hard drives na may tatak na “SEAGATE,” na may halagang ₱8,092,240.
Umabot sa kabuuang ₱31,459,990 ang halaga ng mga nakumpiskang produkto.
Kakaharapin ng mga establisyementong sangkot sa pag-iimbak, pagbebenta, at distribusyon ng mga pekeng produkto ang kasong Trademark Infringement sa ilalim ng Section 155 kaugnay ng Section 170 ng Republic Act No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines.
“The NBI remains committed to protecting intellectual property rights and ensuring that the public is shielded from counterfeit products that not only harm the economy but often fail to meet safety and performance standards,” ani NBI Director Atty. Melvin A. Matibag. /Bistado


