Mahigit P235 milyon halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Batangas matapos matuklasan sa isang container na hindi idineklara sa opisyal na dokumento ng kargamento.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang 637 master case ng sigarilyo na may label na “MAC Super Slim Ice Cool Blast Cigarettes.” Wala sa pakete nito ang required graphic health warnings, isang violation ng Republic Act 10643, o ang Graphic Health Warnings Law.
Natuklasan ang shipment matapos magsagawa ng physical examination ang mga opisyal ng BOC noong March 5.
Nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang Customs Intelligence and Investigation Service tungkol sa isang shipment mula sa United Arab Emirates na umano’y may kargang sigarilyo.
Sa beripikasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na ang container na pinaghihinalaang may laman na sigarilyo ay hindi nakalista sa Bill of Lading, Inward Foreign Manifest, at Discharge List ng barko na nagdala ng kargamento.
Dahil dito, nagsagawa ng mas mahigpit na monitoring ang BOC sa shipment hanggang sa kumpirmahin ang laman ng container.
Sa pagbubukas ng container noong March 5, tumambad sa mga awtoridad ang daan-daang kahon ng sigarilyo na walang kaukulang importation documents.
Lumabas din sa beripikasyon na ang consignee ng shipment ay walang awtorisasyon para mag-import ng sigarilyo sa bansa.
Dahil dito, sasailalim ang shipment sa seizure at forfeiture proceedings ng BOC alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act.
Patuloy ang imbestigasyon ng BOC para matukoy ang mga indibidwal o grupo na sangkot sa tangkang pagpupuslit ng mga sigarilyo sa bansa. /Bistado


