Pinagtibay ng Korte Suprema ang multang P2 milyon laban sa Abacus Coal Exploration and Development Corporation matapos mapatunayang hindi nito ganap na isinama sa audited financial statements (AFS) ang ilang mahahalagang impormasyon tungkol sa mga ari-arian at kapital nito.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Maria Filomena Singh, ibinasura ng Third Division ng Korte Suprema ang petisyon ng Abacus Coal na kumukuwestiyon sa naunang desisyon ng Securities and Exchange Commission (SEC) na nagpataw ng multa sa kumpanya.
Nag-ugat ang kaso sa pagsusuri ng SEC sa financial reports ng Abacus Coal para sa taong 2008 at 2009. Natuklasan ng ahensya na hindi isinama ng kumpanya sa balance sheet ang ilang mahalagang impormasyon tungkol sa mga ari-arian nito kahit may malaking pagbabago sa kapital at asset ng korporasyon.
Batay sa rekord ng kaso, nagtaas ng capital stock ang Abacus Coal noong 2008 mula ₱20 milyon tungong P300 milyon matapos nitong makuha ang mga karapatan sa pagmimina ng karbon mula sa Abacus Consolidated Resources and Holdings Inc. Ang mga mining rights na ito ay tinatayang nagkakahalaga ng P2.7 bilyon.
Gayunman, hindi isinama ng kumpanya ang halagang ito sa balance sheet ng AFS nito para sa 2008 at 2009. Sa halip, binanggit lamang ang impormasyon sa Notes to the AFS.
Ayon sa SEC, nagresulta ang hakbang na ito sa understatement ng kabuuang asset ng kumpanya. Ibig sabihin, mas mababa ang lumabas na halaga ng mga ari-arian sa financial statements kumpara sa tunay na halaga nito.
Nang hingan ng paliwanag, sinabi ng Abacus Coal na nagkaroon ng hindi pagkakatugma sa pagitan ng accounting standards at ng pag-apruba ng SEC sa pagtaas ng kapital. Ayon sa kumpanya, nakabinbin pa noon ang pag-apruba ng capital increase kaya hindi agad naipakita sa balance sheet ang mining rights.
Hindi tinanggap ng SEC ang paliwanag na ito. Ayon sa ahensya, naaprubahan na noong Disyembre 2008 ang pagtaas ng kapital bago pa mailabas ang financial statements ng kumpanya.
Pinagtibay ng Court of Appeals ang naging desisyon ng SEC. Ayon sa appellate court, hindi sapat na ilagay lamang ang mahahalagang impormasyon sa Notes to the AFS kung hindi ito malinaw na makikita sa pangunahing financial statements.
Sumang-ayon ang Korte Suprema at sinabi na nilabag ng Abacus Coal ang Rule 68 ng Securities Regulation Code na nag-aatas sa mga korporasyon na isama sa kanilang balance sheet ang lahat ng mahalagang impormasyon tungkol sa kanilang mga asset at kapital.
Ipinaliwanag ng korte na ang isang impormasyon ay mahalaga kung ang hindi pagsama o maling pagbanggit nito ay maaaring makaapekto sa mga desisyong pang-ekonomiya ng mga gumagamit ng financial statements.
Binanggit din ng hukuman na kahit ang binagong financial statements na kalaunang isinumite ng kumpanya ay hindi pa rin isinama ang tinatayang halaga ng mining rights.
Dahil dito, pinagtibay ng Korte Suprema ang multang ipinataw ng SEC alinsunod sa Memorandum Circular No. 08-09 na nagtatakda ng multa batay sa halaga ng hindi isinamang impormasyon sa financial statements ng isang kumpanya. /Bistado


