Iniutos ng Office of the Ombudsman ang pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng alegasyon ng iregularidad sa mga proyektong flood control na iniuugnay kay Makati City Mayor Nancy Binay at sa kanyang aide na si Carleen Yap-Villa.
Batay sa ulat, nagsumite si dating Department of Public Works and Highways undersecretary Roberto Bernardo ng sinumpaang affidavit kung saan iniuugnay niya si Binay sa umano’y 15 porsyentong komisyon mula sa tinatayang ₱250 milyon halaga ng mga proyekto sa Bulacan.
Nangyari umano ito noong senador pa ang ngayo’y mayora ng Makati.
Nauna nang ibinuking ni Usec. Bernardo sa pagdinig ng Senado noong nakaraang taon na naganap umano ang usapan noong 2024 habang dinidinig pa sa Kongreso ang panukalang 2025 national budget. Kabilang sa mga proyektong tinukoy ang ₱100 milyon flood mitigation structure sa Malolos, ₱100 milyon river protection project sa Balagtas, at ₱50 milyon river protection project sa Pulilan.
Sa isang memorandum, iniutos ng Ombudsman ang pagpapabilis ng fact-finding at pinatawag si Yap-Villa para sa panayam kaugnay ng mga alegasyon ngayong March 3.
Hanggang sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pormal na pahayag si Mayor Binay kaugnay ng imbestigasyon. /Bistado


