Pinapabasura ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang Oil Deregulation Law matapos ihain ang panukalang tuluyang magre-repeal sa Republic Act No. 8479, ang batas na nagliberalize ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.
Inihain ang panukala sa gitna ng tumitinding oil crisis na dulot ng tensyon sa Middle East, na mabilis na nagtulak sa pagtaas ng presyo ng langis at nag-angat sa ilang produktong petrolyo sa mahigit P100 kada litro sa loob lamang ng ilang linggo.
Sa Senate Bill No. 1984, layon ni Sotto na ibalik sa pamahalaan ang kapangyarihan na pamahalaan at kontrolin ang presyo ng langis, isang sistemang nawala nang ipatupad ang deregulation noong 1998.
Sa kanyang explanatory note, iginiit ni Sotto na hindi niya sinuportahan ang pagpasa ng batas noon pa man at itinulak din niya ang pagsusuri nito noong 2022. Ayon sa kanya, bagama’t layunin ng RA 8479 na magdala ng kompetisyon sa industriya, pinayagan nito ang mga kumpanya ng langis na automatic na mag-adjust ng presyo ng gasolina, diesel, at kerosene kada linggo.
Bago ang deregulation, ang Energy Regulatory Board ang nagtatakda ng presyo ng produktong petrolyo batay sa halaga ng imported crude oil at palitan ng dolyar. Mayroon ding Oil Price Stabilization Fund o OPSF na sumasalo sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, kaya hindi agad nararamdaman ng mga konsyumer ang paggalaw ng presyo sa pandaigdigang merkado.
Sa ilalim ng panukala, tuluyang aalisin ang RA 8479 at anumang batas o regulasyon na salungat dito.
Ayon kay Sotto, panahon na para ibalik sa estado ang kapangyarihan sa pagpresyo ng langis, lalo na sa harap ng patuloy na epekto ng tensyon sa Middle East sa pandaigdigang suplay ng krudo. Binigyang-diin niya na kailangan ang transparency, masusing pagsusuri, at pagkakapare-pareho sa pagpresyo ng produktong petrolyo.
Ang panukala ay kasunod ng patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis sa bansa. Kabilang ang Pilipinas sa may pinakamataas na presyo ng gasolina sa rehiyon habang patuloy na humihina ang piso at papalapit sa antas na P60 laban sa dolyar.
Direktang naaapektuhan ng palitan ng piso at dolyar ang presyo ng inaangkat na langis, kaya mas nararamdaman ng mga consumer ang pagtaas ng presyo sa mga gasolinahan.
Sa gitna ng ganitong sitwasyon, layon ng panukalang batas na baguhin ang kasalukuyang sistema kung saan malaya ang mga oil companies sa paggalaw ng presyo, at ibalik ang mas aktibong papel ng pamahalaan sa regulasyon.
Sa ngayon, hinihintay ang pagtalakay ng Senado sa panukalang batas habang patuloy na binabantayan ang galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at ang epekto nito sa mga Pilipino. /Bistado


