Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

North Korea, nagpakawala ng 10 ballistic missiles

Muling tumaas ang tensyon sa Korean Peninsula matapos magpakawala ang North Korea ng humigit kumulang 10 ballistic missiles patungo sa dagat habang nagpapatuloy ang joint military exercises ng United States at South Korea.

Ayon sa South Korea Joint Chiefs of Staff, inilunsad ang mga missile noong March 14 mula sa lugar ng Sunan malapit sa Pyongyang bandang 1:20 ng hapon. Lumipad ang mga ito nang humigit kumulang 350 kilometro bago bumagsak sa East Sea o Sea of Japan.

Kinumpirma rin ng Japan Coast Guard at Japan Ministry of Defense ang missile launches. Batay sa kanilang monitoring, bumagsak ang mga projectile sa labas ng exclusive economic zone ng Japan at walang naitalang pinsala sa mga barko o eroplano sa lugar.

Naganap ang pagpapakawala ng mga missile habang isinasagawa ng United States at South Korea ang taunang Freedom Shield military drills. Layunin ng naturang pagsasanay na subukan ang kahandaan ng kanilang mga pwersa laban sa mga banta sa rehiyon.

Matagal nang kinokondena ng Pyongyang ang ganitong mga military exercises dahil itinuturing ng North Korea ang mga ito bilang rehearsal para sa posibleng pag-atake laban sa kanilang bansa.

Kasabay ng mga ballistic missile launch, iniulat din ng state media ng North Korea na pinanood ni leader Kim Jong Un kasama ang kanyang anak na si Kim Ju Ae ang isang strategic cruise missile test na isinagawa mula sa naval destroyer na Choe Hyon.

Ayon sa Korean Central News Agency, tinamaan ng mga missile ang mga target na isla sa kanlurang bahagi ng bansa sa naturang test.

Sinabi ni Kim na layunin ng naturang pagsubok na ipakita ang kakayahan ng kanilang navy sa strategic strike at para sanayin ang mga tropa sa paggamit ng mga bagong sistema ng armas.

Patuloy na sinusubaybayan ng South Korea, Japan, at United States ang sitwasyon sa Korean Peninsula kasunod ng pinakahuling missile launches ng North Korea. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles