Matagumpay na naidaos ang concert ng pinaka batang songwriter at rap artist ng Star Pop na si Neeyong last March 28 sa the Academy of Rock sa Quezon City.
Ang 15-year old songwriter at performer ay nasa pamamahala ng label na Star Pop sa ilalim ng ABS-CBN Music, na tahanan din ng ilan sa mga pinakamagagaling na singers, concert performers at world-class talents sa bansa.
Ibinahagi ng batang rapper at songwriter na inspirasyon ng kanyang Personal Inventory EP (Extended Play) concert ang mga naging karanasan niya sa loob ng isang rehabilitation facility.

“I was 13 years old po nang ipasok ako ng Daddy ko sa rehab dahil nalulong ako sa paggamit ng mga substances na malaki ang naging epekto sa aking behavior. Natuto akong mag sugal, mag skip at cut classes, mabarkada sa mga matatanda sa akin na students. Basta lahat na po yata ng hindi dapat ginagawa ng isang teenager ay ginawa ko,” kuwento ng batang rapper-hip hop artist.
Anak si Neeyong ng kilalang broadcast journalist, entertainment publicist at dating DZMM at ABS-CBN anchor na si Ambet Nabus.
Taong 2023 sa edad na 12 nang bigyan siya ng pagkakataon ng ABS-CBN Music na magkaroon ng unang single ( “Agos ng Tugtog”) dahil sa sinulat niyang kanta na ayon sa mga executives ng music label ay, “very inspiring para sa edad niya, fresh and new.”
Ang mga ABS-CBN music executives na sina Rox Santos, Jonathan Manalo at Roxy Liquigan ang unang nakarinig ng mga likhang awitin ni Neeyong kaya’t agad siyang pinag-record, ginawan ng single, music video at prinumote bilang youngest songwriter at rap artist ng naturang label.
“Pero yun na nga po. Biglang may mga pangyayari na hindi nakontrol. I was bullied in school dahil nayabangan sa akin at sa ‘achievement’ ko ang peers ko dahil lagi ako pinapakanta sa mga school programs at napapanood din sa mga promo ng ABS-CBN. Nabugbog ako kaya ginawa ko pong sandalan yung mga high school and college ‘kuyas and ates’ ko sa school ko, at yun na nga po, before I knew it, ginagawa ko na din po yung mga bawal na stuffs na ginagawa nila,” ibinahagi pa ni Neeyong sa harap ng media bago magsimula ang kanyang concert.
Naglalaman ng limang sinulat niyang kanta ang ‘Personal Inventory’ EP. Nandiyan ang carrier single nitong ‘Programa’ na tinalakay ang kanyang naging programa sa loob at labas ng rehab, kasama na ang dedikasyon sa kanyang single parent na daddy.
Ang ‘Recuperation’ na may mga usapin sa kanyang pagbangon, ang ‘Yellow Corner’ na tumalakay sa kung paano siyang nakunsumo ng substance.
Ang ‘Neon’ na tungkol sa mga kulay ng buhay na nais niyang tuparin at gampanan at at ang ‘9/21’, ang kanyang ‘take’ sa recent issues sa lipunan bilang sa kanyang paglabas daw sa rehab after 8 months ay tila iba na ang mundong nakita niya sa bansa.
Makahulugan at personal ang mga salita at expression na ginamit ng bagets sa kanyang mga hip hop songs na sinasaluduhan ng mga members ng media na dumalo mula sa TV Patrol, TV5, GMA 7, Star Music PR team, Net 25, major tabloids and broadsheets at mga kilalang online vloggers at socmed influencers, kasama na ang BISTADO.
Kuwento ng journey on healing, advocacy on mental health, pagmamahal sa pamilya at sarili ang ilan lamang sa mga isinusulong ngayong programa at nilalaman ng kanta ni Neeyong.
May mga nakatakdang collaboration shows and events ang parehong ABS-CBN Music at Star Pop para sa 15-anyos na batang rapper.
Ang naturang mediacon at concert ay sinuportahan ng mga kumpanyang, mWell by Metro Pacific, Regent Food, AKARI, One Dental Place, La Visual Corp, Invictus Academy, Ideal Vision, Fernando’s Bakeshop, Kamuning Bakery, Don Benito’s, Luxe Slim, Faces and Curves, Bragais Shoes, Sandbox at CMAS Phils.


