Nag-viral ang pagbibigay ni Simon Cowell ng ‘golden buzzer’ sa pinoy pride na si Matty Juniosa nang mag-audition ito sa Britain’s Got Talent last weekend.
Sa gitna nga ng mga agam-agam at problemang kinakaharap ng mga pinoy nang dahil sa krisis sa gas na dulot ng giyera sa Middle East, isang malaking ‘relief’ at ginhawa sa pakiramdam ang naidulot ng achievement ni Matty.
Pinahanga ng ngayo’y 27-years old artist ang mga judges at lahat ng tao sa auditorium ng naturang talent contest nang bigyan nito ng ‘amazing rendition’ ang pamosong ‘Purple Rain’ song na pinasikat ni Prince.
Binigyan din siya ng standing ovation ng apat na huradong sina Simon Cowell, Amanda Holden, Alesha Dixon, at KSI. Kahit ang mga host ng show na sina Anthony McPartlin at Declan Donnelly ay grabe din ang naging paghanga sa pinoy pride.
Sa husay ni Matty na higit na mas may maturity at kakaibang texture ang boses, lahat ng mga nasa audience ay tumayo at agad na hinikayat ang nasa panel na i-press na golden buzzer para sa pinoy talent.
Ginawa naman ito ni Simon na umakyat pa sa stage at sinabi kay Matty na isa nga daw sa paborito niyang kanta ang ‘Purple Rain’ na base sa mga reaksyon ng judges ay binigyan ng ibang kulay at performance ng mahusay na singer.
Pahabol pa nito, “To everyone in this audience, this is your Golden Buzzer as well. Genuine.”
Ang naturang golden buzzer ay awtomatikong maghahatid kay Matty sa live semifinals ng contest, kung saan inaasahang higit na magaganda at mga pasabog na performances ang ipapakita nito.
Ang 27- years old na si Matty ay three years nang nasa London at nag-aaral sa isang music school. Nagtatrabaho din siya bilang isang part-time waiter at pangarap nga niyang palaguin pa ang kanyang talent at skill sa music,
Naka-join na din siya sa ilang musical production sa London hanggang sa maisipan nga niyang mag-audition para sa Britain’s Got Talent, sa encouragement na rin ng kanyang ‘single mother’ at mga kaibigan.
Sa kauna-unahang season ng Idol Philippines noong 2019 ay pinalad na makapasok sa top 12 si Matty. Maaga man siyang na-eliminate sa kontes na eventually ay napanalunan ni Zephanie Dimaranan, nagkaroon din naman siya ng career sa music sa bansa.
Nabuo ang “iDolls”, kung saan nakasama niya ang mga kapwa Idol Phils, hopefuls na sina Lucas Garcia at Enzo Almario. Nagkaroon pa sila ng single na “Sayaw ng mga Tala” at mga gigs sa TV at events. Si Matty ay nag-rilis din ng kanyang solo single na ‘Moving On’ noong 2022.
Subalit nang magpa-alam na si Matty noong 2023 para i-pursue ang kanyang musical dream abroad, nabuwag ang grupo and the rest is history ika nga.
Inaasahang magbibigay ng mahigpit na laban si Matty kontra mga iba pang artists sa Britain’s Got Talent.
Hindi lang mga pinoy sa naturang bansa ang labis na labis na humanga sa kakaibang personalidad at galing ng singer na ngayon nga’y inaasahan ding makikilala internationally.


