Stop muna sa taas-pasahe.
Ito ang direktang utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos niyang ipahinto ang nakaambang fare hikes na dapat sana ay ipatutupad sa March 19.
Sa isang video reel message na ipinost sa Facebook, sinabi ng Pangulo na hindi tama ang timing ng dagdag-singil habang ramdam pa ang epekto ng giyera sa Middle East sa presyo ng langis.
“…Inutos ko sa [Department of Transportation] na suspindihin muna ang fare hike at i-defer muna natin yan, i-postpone muna natin yan dahil nasa gitna ngayon tayo nitong sitwasyon na ito na kailangan patuloy ang ating pag-alalay sa ating mga commuter, sa lahat ng mga ating mga manggagawa, mga estudyante, lahat ng gumagamit ng ating transport system,” anunsyo ng pangulo.
Diin pa niya, kailangang unahin ang kapakanan ng commuters.
“Hindi ito ang panahon para dagdagan pa ang gastos ng ating mga commuter…Sa halip, pagagaanin natin ang araw-araw na biyahe. May libreng sakay, may diskwento sa pamasahe, at may dagdag na suporta para sa ating mga transport workers,” anang pangulo.
Hindi rin niya kinalimutan ang mga driver at operator na posibleng maapektuhan sa desisyon.
“Huwag pong mag-alala ang ating mga transport workers dahil mamadaliin po namin, dadagdagan po namin ang suporta sa inyo para naman ay hindi kayo masyadong mahirapan,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya, “Sa mga toll road meron din tayong inutos na diskwento para mas maliit na ngayon ang bayad ng taumbayan sa paggamit ng toll road.”
Ngayong Huwebes sana sisimulang ipatupad ng mga awtoridad ang nakaambang taas-pasahe sa iba’t ibang public utility vehicles (PUVs) matapos ang sunod-sunod na oil price hikes. Inaasahang madadagdagan sana ang minimum fare sa jeep, bus, at iba pang PUVs bilang tugon sa patuloy na pagmahal ng diesel at gasolina, na direktang tumatama sa kita at gastos ng mga driver at operator. /Bistado


