Nananawagan ang Ugnayan ng mga Lumalaban sa Airport Privatization (ULAP) sa Kongreso na magsagawa ng agarang imbestigasyon sa pagbagsak ng kisame sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, matapos masugatan ang hindi bababa sa pitong katao noong Biyernes Santo, April 3.
Bumagsak ang isang ceiling panel bandang 10:43 ng umaga noong April 3 sa arrival extension area o West Arrival Curb C sa labas ng Terminal 1, malapit sa isang food concession outlet.
Sa pahayag ng New NAIA Infra Corp. o NNIC, sinabi nitong nasa stable condition ang pitong nasugatan at agad na naasikaso ng medical team, airport security personnel, at PNP Aviation Security Group. Agad ding kinordunan ang lugar habang sinuri ng engineering team ang kalapit na bahagi at kinumpirmang ligtas para sa normal na operasyon.
Dagdag ng NNIC, patuloy ang imbestigasyon para tukuyin ang sanhi ng insidente at nakikipag-ugnayan na ito sa mga kaukulang ahensya para sa mga susunod na hakbang. Iginiit din ng kumpanya na nananatiling prayoridad ang kaligtasan ng mga pasahero, empleyado, at bisita.
Pero sa gitna ng mga pangyayaring ito, iginiit ni ULAP Convenor Rico Domingo na hindi isolated na insidente ang nangyari kundi “rupture sa manipis na tabing ng improvement narratives sa ilalim ng privatization.”
Dagdag ni Domingo, ampaw ang pahayag ng NNIC tungkol sa insidente. “NNIC told the public that its teams responded at once, that the area was cordoned off, and that surrounding sections were safe. But there was no real apology, no clear remorse, and no recognition that passengers were injured inside the country’s primary airport under its watch.”
Dagdag pa niya, hindi sapat ang assurance kung walang malinaw na paliwanag sa sanhi ng pagbagsak.
“If this is your top priority, then people should not be getting hurt under falling structures in Terminal 1,” ani Domingo. “You do not restore public confidence by saying operations remain normal. You restore it by showing full compliance, full accountability, and full transparency.”
Hiniling ng ULAP na imbestigahan ng Kongreso hindi lamang ang sanhi ng insidente kundi pati ang maintenance, engineering, at regulatory compliance ng concessionaire.
Ayon sa grupo, may umiiral na mga isyu sa permits at compliance. Binanggit ng ULAP na may inilabas na sertipikasyon ng Office of the City Engineer ng Parañaque noong February 2026 na nagsabing walang permit na inilabas ang local government para sa ilang proyekto ng NAIA PPP.
Nauna na rin umanong naglabas ang Office of the Building Official ng Pasay ng Second Notice of Illegal Construction noong October 2025 at Final Notice noong November 2025 kaugnay ng infrastructure projects sa Paliparan na walang sapat na permit.
Binanggit din ng National Commission for Culture and the Arts na ang NAIA Terminal 1 ay itinuturing na protected cultural property kaya kailangan ng heritage clearance bago magsagawa ng anumang trabaho doon.
“When a structural incident happens in a facility operated by a concessionaire already facing compliance questions, the public has every right to demand a full investigation,” ani Domingo. “This is no longer just about one fallen panel. This is about whether the country’s main gateway is being run with full regard for building rules, local permits, heritage obligations, and public safety.”
Hinihintay ang magiging tugon ng Kongreso sa panawagan habang nananatiling sentro ng usapin ang kaligtasan at pananagutan sa pangunahing paliparan ng bansa. /Bistado


