Naglabas ng mga proklamasyon ang Malacañang na nagdedeklara ng special non-working hdays sa ilang lungsod at bayan sa bansa para bigyan ng pagkakataon ang mga residente na makiisa sa mahahalagang selebrasyon at anibersaryo ng kanilang komunidad.
Sa magkakahiwalay na proklamasyon na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., magkakaroon ng special non-working day sa bayan ng Dingras sa Ilocos Norte sa March 19. Ipinagkaloob ito sa ilalim ng Proclamation No. 1191 para sa pagdiriwang ng Ani Festival ng bayan.
Sa March 23 naman, ipagdiriwang ng Malaybalay City sa Bukidnon ang ika-28 Charter Anniversary ng lungsod sa ilalim ng Proclamation No. 1192.
Samantala, sa March 27 ay magdiriwang ang Las Piñas City ng ika-119 Founding Anniversary at ika-29 Cityhood Anniversary. Idineklara ang araw na iyon bilang special non-working day sa ilalim ng Proclamation No. 1186.
Sa Negros Occidental, dalawang lungsod ang magkakaroon din ng espesyal na holiday sa March 31. Ipagdiriwang ng Sipalay City ang charter anniversary nito sa ilalim ng Proclamation No. 1187 habang ang Himamaylan City ay magkakaroon din ng selebrasyon para sa charter anniversary nito sa ilalim ng Proclamation No. 1188.
Karaniwang naglalabas ng ganitong proklamasyon ang Malacañang para mabigyan ng pagkakataon ang mga residente na makilahok sa mga lokal na pista, paggunita, at iba pang aktibidad na nagpapakita ng kasaysayan, kultura, at pag unlad ng kanilang komunidad. /Bistado


