Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Maagang deklarasyon, maagang banggaan

Noong Pebrero 18, pormal na inanunsyo ni Vice President Sara Duterte ang balak niyang tumakbo sa pagkapangulo sa 2028, tatlong taon pa bago ang halalan. Sa pulitika, ang oras ay kapangyarihan. Kapag maaga kang naglatag ng baraha, binabago mo ang takbo ng laro.

Marami ang nagsabing estratehiya ito para maging frontrunner agad. Para sa ilan, ang maagang pagposisyon ay nag-uudyok ng maagang realignment ng mga elite. Para sa iba pang political strategists, isang kalkuladong hakbang ito para kontrolin ang sentro ng laban. May punto sila. Pero mas malalim ang epekto nito.

Hindi lang ito ambisyon. Usapin ito ng disenyo ng ating mga institusyon. Sa ilalim ng Article VII ng 1987 Constitution, malinaw ang mga patakaran sa paghalili at pananagutan ng pangulo at bise presidente. May hiwalay ding proseso ng impeachment sa House of Representatives bilang mekanismo ng pananagutan. Sa teorya, magkahiwalay ang oras ng pulitika at oras ng pag-uusig. Sa praktika, pinag-isa ng maagang deklarasyon ang dalawang kalendaryo.

Sa panahong inihayag ang kanyang kandidatura, may apat nang impeachment complaints na inihain laban sa kanya sa Kamara. Sa March 2, magsisimula na ang pagdinig sa mga ito. Ang impeachment ay dapat umiikot sa ebidensya at boto ng mga mambabatas. Pero kapag ang iniimbestigahan ay kandidato na sa pagkapangulo, nag-iiba ang insentibo. Ang tanong ng ilan sa Kongreso ay hindi lang kung may sapat na basehan. Ang tanong ay ano ang magiging kapalit sa susunod na administrasyon.

May mga ulat na umuugong na may ilang kaalyado si VP Sara na nakikitang nakikipag-usap sa mga kongresista habang umiinit ang usapin. Ang pangako: clean slate o abswelto sa anumang nakaraang pakikipagbuno sa bise kapag nanalo siyang president – kapalit ng pagbasura ng impeachment. Walang opisyal na pahayag tungkol sa anumang pangako. Pero ang ganitong galaw ay nagpapakita kung paano gumagalaw ang koalisyon kapag may nakikitang posibleng manalo. Ang proseso ng pananagutan ay nababalutan ng anino ng eleksyon.

Kung ikaw ay botante, mahalagang makita mo ang ganitong epekto. Ang impeachment ay hindi dapat maging rehearsal ng kampanya. Ang eleksyon ay hindi dapat maging panangga laban sa pag-usig. Kapag nagsabay ang dalawang arena, nagiging pulitikal ang ligal at nagiging ligal ang pulitikal.

May isa pang andana sa maagang announcement ni VP Sara. Habang ginaganap ang confirmation of charges hearing laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court, lumilipat ang sentro ng diskurso sa loob ng bansa. Ang laban sa ICC ay nasa larangan ng internasyonal na batas. Ang maagang kampanya ay nasa larangan ng boto at opinyon publiko. Hindi nito binabago ang proseso sa ICC, pero binabago nito ang framing sa loob ng Pilipinas. Sa pag-anunsyo ng kandidatura ni VP Sara, binigyan niya ang sarili niya ng lisensyang sabihing pang-uusig sa susunod – at hindi lang sa dating – pangulo ng Pilipinas ang paglilitis ng ICC.

Ang maagang deklarasyon ay hindi simpleng anunsyo. Isa itong hakbang na nag-ayos muli ng insentibo sa loob ng sistema. Pinagtagpo nito ang impeachment season at election season sa iisang entablado. At kapag ganyan ang galaw ng mga manlalaro, ikaw bilang mamamayan ang kailangang maging mas mapanuri. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles