Umiinit ang bangayan sa loob ng Lopez family matapos igiit ng majority bloc sa Lopez Inc. na dapat ipa-audit ang libro ng pribadong holding firm, kasunod ng mga tanong sa malalaking transaksyon na kinasasangkutan ng mga pangunahing energy asset ng grupo.
Ang kampo ng mayorya, na pinangungunahan ni Eugenio “Gabby” Lopez III na may hawak ng 71 percent ng Lopez Inc., ay humihingi ng paliwanag kay Federico “Piki” Lopez sa mga desisyong nagresulta sa paghina ng kontrol sa First Gen Corp. Kabilang dito ang P50-bilyong bentahan sa Prime Infrastructure ni Enrique Razon Jr. at ang kasunod na pamumuhunan sa hydropower assets ng Prime Infra na umabot sa P75 bilyon.
Sentro ng sigalot ang bentahan ng majority control sa gas-fired power plant assets ng First Gen sa Prime Infra, kasunod ang pagpasok ng Lopez Inc. sa hydropower business ng Prime Infra. Unang umabot sa 40 percent ang stake pero kalaunan ay bumaba sa 33 percent. Dito na kumuwestiyon ang majority bloc, lalo na sa pagkawala ng veto power na puwede umanong napanatili kung bahagyang mas mataas ang naging hawak na stake.
Mahalaga ang usaping ito dahil hawak ng Prime Infra ang Malampaya natural gas field, na pangunahing pinagsusuplayan ng gas ang mga planta ng First Gas sa Batangas. Dagdag pa rito, nag-anunsyo kamakailan ang Prime Energy, isang unit ng Prime Infra, ng dagdag na reserves sa Malampaya.
Kasabay nito, lumitaw rin ang mga tanong sa valuation, deal structure, at control premiums. Para sa kampo ng mayorya, hindi simpleng transaksyon lang ito kundi usapin ng governance influence at long-term value, lalo na sa sektor ng enerhiya na mabigat sa kapital at sensitibo sa kontrol.
Mas tumindi pa ang alitan nang alisin ng board ng Lopez Inc. si Piki bilang president at CEO sa botong 5-2 dahil umano sa “loss of trust,” bagamat nananatili siya sa puwesto matapos makakuha ng court injunction.
Sa supplemental motion na inihain sa Mandaluyong Regional Trial Court, humiling din ang kampo ni Gabby Lopez na bawiin agad ang injunctive order. Giit nila, ginagamit ito para makaapekto sa mga ordinaryong corporate functions sa iba pang kumpanya sa loob ng Lopez Group, kabilang ang Lopez Holdings Corp.
Sa hiwalay na pahayag naman, dumistansya ang First Gen sa sigalot at iginiit na ang lahat ng transaksyon nito ay inaprubahan nang unanimous ng board at dumaan sa masusing pagsusuri. Sinabi rin ng kumpanya na nakapaghatid ito ng humigit-kumulang $2 bilyong kita sa nakaraang limang taon sa ilalim ng kasalukuyang liderato. /Bistado


