Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Libu-libong litro ng diesel, nabuking sa QC residential area

Isang residential compound sa Barangay Sacred Heart, Quezon City ang iniimbestigahan matapos mamataang nag-iimbak ng diesel mula sa isang oil tanker papasok sa storage tank sa loob ng lugar, bagay na sinisilip ng mga awtoridad bilang posibleng kaso ng hoarding at paglabag sa fire safety rules. 

Ayon sa mga ulat, ang storage sa compound ay nakatakdang umanong magkarga ng 10,000 litro ng diesel.

Ayon sa Quezon City Police District, isang kinatawan ng kumpanyang sangkot ang umaming wala silang permit para mag-imbak ng libu-libong litro ng diesel sa isang residential area. 

Sinabi rin ni QCPD Station 10 Commander Police Lieutenant Colonel Zachary Capellan na nangako ang kampo ng kumpanya na kung hindi sila makapagpapakita ng permit at iba pang requirements, sila na mismo ang magpu-pull out ng diesel at tanker. 

Ang paliwanag umano ng kinatawan, ang fuel ay para sa “personal consumption,” kabilang ang metal fabrication work at generator use.  

Nag-inspeksyon ang Department of Energy sa compound at sinabi ni Undersecretary Wimpy Fuentebella na hindi ligtas ang paglalagay ng napakaraming litro ng diesel sa isang kabahayan. 

Aniya, ang mga petroleum product ay dapat dinadala sa tamang pasilidad, hindi sa mga residential property na maaaring magdulot ng temporary shortage dahil sa hoarding. Ipinaalala rin niya na ang diesel ay finished product na may expiration at hindi dapat iniimbak nang matagal. Ayon sa DOE, nagsasagawa na ng case build-up at maaaring magsampa ng criminal charges laban sa may-ari ng compound at sa supplier ng langis.  

Ayon naman kay Barangay Sacred Heart Chairwoman Camille Malig-David, hindi nila alam na may ganitong storage setup sa compound dahil matagal nang kilala ang property na bakante at binebenta. Sinabi rin niyang dalawang beses bumalik ang tanker noong Sabado. Sa ikalawang balik, sinabi umano ng truck crew na may nakausap silang abogado at hindi sila maaaring pigilan, kaya tumawag na ang barangay sa pulisya at Bureau of Fire Protection. 

Naghahanda na ring magsumite ng petisyon ang mga residente sa Quezon City government.  

Kinumpirma ng Bureau of Fire Protection (BFP) na na-impound na ang tanker habang hinihintay ang mga kinakailangang permit. 

Ayon kay BFP chief Fire Chief Superintendent Wilberto Rico Neil Ang Kwan Tiu, “very hazardous” ang ganitong aktibidad dahil may posibilidad ng ignition, malaking sunog, at pagsabog, lalo na kung wala ang fire safety requirements. Sinabi rin niyang DOE ang mangunguna sa imbestigasyon, kabilang ang posibleng paghahain ng economic sabotage charges, habang susuporta ang BFP. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles