Naglunsad ang House of Representatives ng libreng bus service para sa mga biyaheng San Jose del Monte, Bulacan patungong Welcome Rotonda sa Quezon City, kasama ang pabalik na ruta hanggang Fairview Terraces, bilang bahagi ng pansamantalang transport relief program para sa mga commuter na apektado ng mataas na presyo ng langis.
Ang programang “Biyaheng Damayan: Libreng Sakay mula sa Kongreso” ay pinangunahan nina Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.
Ayon sa Kamara, inilunsad ang inisyatiba sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East na nagdudulot ng pag-alog sa global oil markets. Ang epekto nito ay ramdam sa pamasahe, presyo ng pagkain, at iba pang pangunahing bilihin, kaya inilatag ang libreng sakay bilang agarang tulong sa mga manggagawa, estudyante, at araw-araw na pasahero.
“This is about making sure that government response is felt where it matters most — in the daily lives of our people,” ani Marcos sa isang pahayag.
Sa ilalim ng programa, apat na bus mula sa Kamara ang bibiyahe tuwing Lunes, Huwebes, at Biyernes simula March 26, at tatakbo sa umaga at hapon na peak hours para maserbisyuhan ang mga commuter sa isa sa mga pinakaabalang ruta sa hilagang bahagi ng Metro Manila at Bulacan.
Saklaw ng libreng biyahe ang dalawang magkaugnay na ruta sa umaga: mula San Jose del Monte, Bulacan patungong Quezon City Rotonda, at mula Quezon City Rotonda patungong Fairview Terraces. Sa hapon at gabi, iikot ang biyahe sa pagitan ng Quezon City Rotonda at Fairview Terraces sa parehong direksyon.
Pansamantalang ipatutupad ang programa habang nananatiling mataas ang presyo ng fuel at patuloy na nararamdaman ng mga commuter ang bigat ng gastos sa transportasyon. /Bistado


