Sumirit ang kita ng Del Monte Pacific Limited sa ikatlong quarter ng fiscal year matapos lumakas ang export ng pinya at manatiling matatag ang demand sa Pilipinas.
Saklaw ng nasabing quarter ang panahon mula November hanggang January, kung saan umangat ang benta at margins ng kumpanya dahil sa malakas na bentahan ng pineapple products.
Batay sa financial report ng kumpanya, umabot sa $243.8 million ang benta ng Del Monte sa quarter na nagtapos noong January 31. Ito ay halos 20 percent na mas mataas kumpara sa $203.4 million na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Kasabay nito, umakyat ang net profit sa $10.0 million, apat na beses na mas mataas kaysa sa $2.5 million noong parehong quarter ng nakaraang taon.
Ayon sa kumpanya, ang paglago ng negosyo ay itinulak ng mas mataas na export ng sariwa at processed pineapple products, kasama ng patuloy na demand sa merkado ng Pilipinas.
Sa Pilipinas, kung saan ipinagdiwang kamakailan ng Del Monte ang ika-100 taon ng brand, nanguna sa paglago ang beverages, culinary products, dairy at snacks. Nanatili rin ang Del Monte bilang market leader sa packaged pineapple, mixed fruit at spaghetti sauce sa bansa.
Samantala, mas mabilis ang paglago sa international market. Umakyat ng halos 34 percent ang overseas sales ng kumpanya at umabot sa $110.8 million.
Sa kabila ng paglakas ng kita, nananatili pa ring hamon sa kumpanya ang balanse ng pananalapi matapos ang restructuring noong nakaraang taon. May capital deficit pa rin ang grupo na umaabot sa $589.9 million. Gayunman, nagsimula na itong magbenta ng ilang non-core assets kabilang ang stake nito sa Sundrop Brands Limited sa India.
Ang Del Monte Pacific ay isang investment holding company na may mga subsidiary na nakatuon sa pagtatanim, pagproseso at pagmemerkado ng packaged fruits at vegetables, gayundin ng tomato products, sauces, condiments, pasta at broth. Ibinebenta ang mga produktong ito sa ilalim ng mga brand na Del Monte, S&W, Today’s, Contadina at College Inn. /Bistado


