Habang sinusulat namin ito ay balitang kinunsulta na ni Karla Estrada ang kanyang legal team kaugnay ng isang basher na gusto niyang sampolan ng cyber libel.
Matapos ngang tanghaling big winner sa Pinoy Big Brother (PBB): Celebrity Collab Edition 2.0. The Big Night. ang anak niyang si Lela Ford mula sa Kapamilya camp, grabeng bashing ang inabot nito sa netizen.
Dahil nga sa high profile na maituturing ang estado ng showbiz connection ni Lela, lalo’t kinikilalang hottest young actor ng bansa ang kuya niyang si Daniel Padilla, samu’t-sari nga ang mga negatibong komentong nakuha niya.

May mga nag-aakusa pang nakuha sa favoritism, sa influence, sa pera dahil sa botohan, at ibang kaugnay na isyu ang naging panalo ni Lela, ka-tie ang Kapuso housemate na si Caprice Cayetano.
Hindi yun masyadong binigyang pansin nina Karla, pero may isang basher na tila hindi niya palalampasin.
Ayon sa post ng isang KACCH4N, “Lela remember Emman, sana gawin mo rin pls? Naway ma depress sa mga comment at sundan niya si Emman. Di mo gets? Sana gets mo na.”
Bilang isang ina, hindi ito nais na palampasin basta na lang ni Karla lalo’t tila nag-uudyok itong gayahin ng anak ang nangyari sa yumaong anak ni kuya Kim Atienza.“Ganito na ka sira ulo ang taong ito sa pinag sasabi nya. At dahil dyan hindi ko ito palalagpasin dahil hindi na ito katanggap tanggap. Hintayin mo ang balik sayo nitong pakiusap mo sa anak ko. sira ulo ka.Wala nang hindi matutunton ngayon KACCH4N. Nasasanay kayo na mag bash lang ng di nyo iniisip naka tiwangwang mga profile nyo kasama mga anak, mga magulang at pamilya nyo,” ganting sagot ni Karla.
Ayon sa ating source, nakahanda na ang legal team ng pamilya nina Karla at Daniel para sampolan ng cyber libel case ang naturang basher.
Samantala, hindi rin nagpatinag ang mga tagahanga ni Lela na patuloy sa pag-express ng kanilang support at love sa batang big winner.
Ayon pa sa mga ito, normal ng may mga hindi natutuwa sa resulta ng isang reality show na may voting component. Lahat naman daw ay deserving na manalo lalo’t naging housemate at tumagal pa sa loob ng bahay ni Kuya.
Bukod kina Lela at Caprice, tinanghal bilang Kapuso 2nd Big Placer si Heath Jornales, at si Krystal Mejes ang Kapamilya 2nd Big Placer.
Ang Kapuso 3rd Big Placer ay si Ashley Sarmiento, at Kapamilya 3rd Big Placer naman si Joaquin Arce.
Hinirang na Kapuso 4th Big Placer si Princess Aliyah, at si Miguel Vergara ang Kapamilya 4th Big Placer.


