Pinaigting ng Bureau of Immigration (BI) ang kampanya laban sa human trafficking, lalo na sa mga modus na nagdadala sa mga Pilipino sa ilegal na trabaho sa ibang bansa, kabilang ang mga operasyon na konektado sa online scam hubs.
Sa forum na Kapihan ng Samahang Plaridel sa Luneta Park, sinabi ni BI spokesperson Dana Sandoval na may malaking panganib ang human trafficking sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa abroad sa pamamagitan ng hindi regular na proseso.
Ayon sa kanya, marami sa kanila ang nauuwi sa pagka-offload sa airport dahil sa kakulangan o problema sa kanilang dokumento, kabilang ang paggamit ng ilang recruitment agencies.
“Many OFWs want to leave illegally and many are also offloaded due to lack of paperwork using some recruitment agencies,” ani Sandoval.
Bilang tugon, sinabi ng BI na pinaigting nito ang border control at passenger screening.
Dagdag pa niya, pinalalakas din ng ahensya ang koordinasyon sa National Bureau of Investigation, Department of Migrant Workers, at iba pang ahensya ng pamahalaan para sugpuin ang ilegal na recruitment at buwagin ang mga trafficking network.
Ayon kay Sandoval, layunin ng mga hakbang na ito na matigil ang panlilinlang ng mga sindikatong nag-aalok ng trabaho sa pamamagitan ng mapanlinlang na alok at hindi awtorisadong deployment.
Sinabi rin niya na maraming biktima ang nahihikayat sa pamamagitan ng online advertisements na nangangako ng mataas na sahod ngunit nauuwi sa scam operations sa ibang bansa.
Ayon sa datos ng pamahalaan, nananatiling problema sa rehiyon ang trafficking na konektado sa scam hubs. /Bistado


