Muling nanawagan ng katarungan ang mga kaanak ng biktima ng extrajudicial killings (EJKs) sa kampanya kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa paggunita ng unang anibersaryo ng kanyang pagkakaaresto.
Maagang nagtipon ang mga pamilya ng mga biktima ng war on drugs ni Duterte sa Sacred Heart Parish sa Kamuning, Quezon City nitong Miyerkules, March 11. Ginunita nila ang unang anibersaryo ng pagkakaaresto ng International Criminal Court o ICC kay Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity na isinampa dahil sa madugong kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.
Pinangunahan ni Fr. Flavie Villanueva ang isang misa para sa mga pamilya ng mga nasawi. Si Villanueva ang founder at presidente ng programang Paghilom na tumutulong sa mga kaanak ng biktima ng karahasan at extrajudicial killings.
Sa ginanap na paggunita, nag-alay ng tsinelas at bulaklak ang mga kaanak ng mga biktima bilang simbolo ng mga buhay na nawala sa kampanya kontra iligal na droga. Ayon sa grupong Paghilom, ang tsinelas ay kumakatawan sa mga biktima na hindi na nakauwi sa kanilang mga pamilya habang ang mga bulaklak ay alay sa kanilang alaala.
Makikita rin sa lugar ang mga pangalan at larawan ng ilan sa mga nasawi sa drug war. Ang ilang kalahok ay nakasuot ng damit na may nakasulat na “Katarungan” habang may mga bakas din ng yapak ng paa na inilatag bilang simbolo ng mga biktima.
Emosyonal ang ilan sa mga dumalo sa aktibidad dahil hanggang ngayon ay nararamdaman pa rin umano nila ang sakit ng pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay. Patuloy din nilang ipinahayag ang pag-asa na makakamit ang hustisya habang nagpapatuloy ang proseso ng kaso sa ICC.
Sa paggunita ng anibersaryo ng pagkakaaresto ng dating pangulo, sinabi ng mga pamilya ng biktima na patuloy silang maghihintay ng hustisya para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon kay ICC assistant to counsel Atty. Kristina Conti, posibleng ilabas ng ICC Pre-Trial Chamber sa huling linggo ng Abril ang desisyon sa confirmation of charges laban sa dating pangulo. Target umano ng kampo ng mga biktima na abangan ang anunsyo bandang April 29.
Samantala, muling nanawagan ang human rights group na Karapatan sa ICC na kumpirmahin ang mga kaso laban kay Duterte at ituloy ang paglilitis.
“Apart from Duterte, the victims’ families would also like to see his co-conspirators behind bars,” ani Karapatan deputy secretary general Atty. Maria Sol Taule. /Bistado


