Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Jinggoy, botomesa sa latest survey ng Publicus

Botomesa si Sen. Jinggoy Estrada sa pinakahuling Publicus Asia Pahayag survey para sa unang quarter ng 2026 matapos siyang magtala ng pinakamataas na net unfavorable rating sa hanay ng mga sinuring elected officials.

Batay sa datos ng survey, umabot sa 58 percent ang net unfavorable rating ni Estrada, kung saan 36 percent ng mga respondent ang nagsabing “very unfavorable” ang tingin nila sa kanya. Siya ang may pinakamataas na negatibong sentimyento sa listahan ng mga opisyal na kasama sa pag-aaral.

Kasunod niya si Sen. Camille Villar na may 56 percent net unfavorable rating, kabilang ang 36 percent na “very unfavorable.” Sumunod si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na may 54 percent net unfavorable rating, kung saan 39 percent ang nagsabing “very unfavorable” ang tingin sa kanya. Nasa listahan rin si Sen. Mark Villar na may 53 percent net unfavorable rating, kabilang ang 33 percent na “very unfavorable.”

Sa kabilang dulo, lumitaw sa survey ang mas mataas na pabor para sa ilang senador ng oposisyon. Nanguna si Bam Aquino na may 59 percent net favorable rating, kabilang ang 30 percent na “very favorable.” Kasunod sina Kiko Pangilinan at Risa Hontiveros na parehong may 50 percent net favorable ratings. Sa detalye ng survey, si Hontiveros ay may 25 percent “very favorable,” habang si Pangilinan ay may 23 percent.

Lumabas din sa survey na kalahati ng mga Pilipino o 50 percent ang nagpahayag ng disapproval sa kabuuang performance ng mga miyembro ng gabinete sa ilalim ng administrasyong Marcos. Halos hindi ito nagbago mula sa 51 percent noong nakaraang quarter.

Sa hanay ng mga pangunahing opisyal, bumaba ang approval rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 19 percent mula 22 percent noong huling quarter ng 2025, habang ang trust rating niya ay bumaba sa 13 percent mula 15 percent. Si Vice President Sara Duterte naman ay nakapagtala ng pagbaba sa approval rating sa 28 percent mula 34 percent, at trust rating na 26 percent mula 31 percent, bagamat siya pa rin ang may pinakamataas na rating sa mga top officials.

Samantala, si Senate President Tito Sotto ay may 23 percent approval at 14 percent trust, habang si Chief Justice Alexander Gesmundo ay may 16 percent approval at 10 percent trust. Si House Speaker Faustino “Bojie” Dy naman ay may 11 percent approval at 6 percent trust.

Ang Pahayag Q1-2026 survey ay isinagawa mula March 21 hanggang March 24, 2026 gamit ang nationwide purposive sampling. May kabuuang 1,509 na respondent na rehistradong botanteng Pilipino ang lumahok, na kinuha mula sa market research panel ng PureSpectrum. Ang national margin of error ng survey ay plus o minus 3 percent. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles