Ilang tulog na lang at sisimulan na ng Kamara ang pagtalakay sa apat na impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Namahagi na ng pormal na abiso sa mga mambabatas si House Justice Committee chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro. Magaganap ang unang sesyon para talakayin ang impeachment sa Lunes, alas-10 ng umaga.
Apat ang impeachment raps na naisumite laban sa Vice President.
Kabilang sa mga isyung ibinabato sa kanya ang umano’y maling paggamit ng confidential at intelligence funds, mga alegasyon ng paglabag sa Konstitusyon, at mga tanong sa transparency at pananagutan sa paggasta ng pondo.
May mga complainant din na tumukoy sa isyu ng public trust at sinasabing pananagutan ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan.
Sa ilalim ng proseso, aalamin muna ng komite kung may sapat na “form and substance” ang mga reklamo. Kapag idineklarang “sufficient in form and substance,” saka pa lamang tatalakayin ang merits o bigat ng mga paratang. Kung makakuha ng sapat na boto sa Kamara, iaakyat ang articles of impeachment sa Senado para sa paglilitis.
Ayon sa ilang miyembro ng House leadership, mahalagang sundin ang konstitusyonal na proseso at tiyaking patas ang pagdinig. Giit nila, hindi ito dapat ituring na simpleng bangayan sa pulitika kundi seryosong mekanismo ng accountability na nakasaad sa Saligang Batas.
Sa panig ng kampo ng Bise Presidente, nananatiling tahimik ang opisyal na tugon sa iskedyul ng pagdinig. Sa mga naunang pahayag ng kanyang mga kaalyado, iginiit nilang handa silang harapin ang anumang alegasyon sa tamang proseso. /Bistado


