Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Ilang suppliers, pinagmulta ng P81-M ng DA

Mahigit P81 milyon na multa ang ipinataw ng Department of Agriculture (DA) laban sa mahigit 100 suppliers at contractors na lumabag sa kanilang mga kontrata sa kagawaran noong 2025.

Ayon sa ulat ng DA, ang mga parusa ay ipinataw sa mga supplier na kinontrata ng iba’t ibang regional offices para sa procurement ng farm inputs at sa construction ng agricultural infrastructure.

Kabilang sa mga paglabag ang delay o hindi pagsunod sa delivery schedules ng farm inputs, kakulangan sa dami ng suplay na inilalabas, at iba pang paglabag sa procurement agreements ng pamahalaan.

Batay sa datos ng DA, ang pinakamalaking halaga ng penalties ay naitala sa Northern Luzon, kung saan nakatuon ang malaking bahagi ng mga programang pang-agrikultura ng gobyerno.

Pinakamalaki ang naitala ng Regional Field Office (RFO) II na may kabuuang P28.5 milyon na penalties. Sumunod ang RFO I na may P18.2 milyon at RFO III na may P15.4 milyon.

Sa Region I, ang pinakamalaking single penalty ay umabot sa P14.1 milyon laban sa La Filipina Uy Gongco Corp. dahil sa delayed delivery ng complete fertilizer 14-14-14, isang mahalagang input sa panahon ng pagtatanim.

Samantala, ang Leads Agricultural Products Corp. ay pinagmulta ng P1.4 milyon dahil sa late delivery ng 29,278 bags ng hybrid seeds.

Sa Region II naman, umabot sa P20.1 milyon ang liquidated damages para sa delayed seed deliveries at P5.9 milyon para sa fertilizer deliveries. Kabilang sa mga kumpanyang nabanggit sa ulat ng DA ang Farmex Corp., Jedeco Trading Corp., SL Agritech Corp., at fertilizer supplier na Universal Harvester Inc.

Sa Region III, may mga parusa rin dahil sa delay sa mga infrastructure projects. Pinatawan ng P1 milyon na penalty ang Verlin Konstrukt Inc. dahil sa delay sa supply ng labor at materials para sa isang biosecure swine finisher facility.

Samantala, pinagmulta ng P4.5 milyon ang Agri Component Corp. dahil sa pagkaantala sa dalawang Rice Processing System projects.

May mga paglabag din na naitala sa mas maliliit na rehiyon. Sa Cordillera Administrative Region, pinagmulta ang Modern Times Enterprises Inc. ng P643,490 matapos makapag-deliver lamang ng 39,575 mula sa 80,603 bags ng inorganic fertilizer na inorder ng gobyerno, kaya mahigit 41,000 bags ang hindi naihatid.

Ang mga kontratang nasuri ng DA ay may kaugnayan sa ilang flagship programs ng kagawaran kabilang ang mga programa sa rice, corn, livestock, organic agriculture, Quick Response Fund, at Special Area for Agricultural Development. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles