Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

House Speaker Dy sa DBM: Ang bagal n’yo!

Binanatan ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang Department of Budget and Management (DBM) dahil sa mabagal na paglalabas ng pondo, na aniya’y nagpapabagal sa implementasyon ng mga programa ng gobyerno.

Sa kanyang closing speech bago nag-adjourn ang Kamara para sa Lenten break noong March 18, diretsahan ang panawagan ng Speaker sa DBM.

“Kaya naman po sa mga kaibigan natin sa DBM, ayusin ninyo naman ang inyong trabaho. Bilis-bilisan ninyo naman ang inyong mga pagkilos,” ani Dy.

Iginiit niya na kailangang mapabilis ang pagproseso ng pondo para agad na maipatupad ang mga programang nakalaan para sa publiko.

“Gawin ninyo naman ang inyong mga tungkulin para maging maayos at maipatupad na ang mga programang sasagot sa kasalukuyang pangangailangan ng ating mga kababayan sa iba’t ibang mga rehiyon,” dagdag niya.

Binigyang-diin din ng Speaker ang epekto ng delay sa mga mamamayan na naghihintay ng serbisyo mula sa gobyerno.

“Huwag ninyong sayangin ang oras at huwag na huwag nating paghintayin ang taumbayan,” aniya.

Ayon kay Dy, nagampanan na ng Kongreso ang bahagi nito sa pamamagitan ng pagpasa ng mga batas at paglalaan ng pondo.

“It is clear that through collective efforts, the members of this chamber are ready and willing to pass the laws and provide the funds for the programs necessary to address the needs of our countrymen,” ani niya.

Ngunit sinabi niyang kulang ang batas at budget kung hindi agad naipatutupad.

“Ngunit upang maging ganap na epektibo ang mga hangaring ito, kinakailangan nating tiyakin na ang mga pondong inilaan ng Kongreso ay makarating sa mga mamamayan nang maagap,” paliwanag niya.

Dagdag pa niya, “Dahil ang batas na hindi naipapatupad ay nananatiling isang papel na walang halaga at ang serbisyo na hindi nakakarating sa tao ay huwad na paglilingkod.”

“Kahit po maganda ang naipasang budget, it will mean nothing if the resources for the people do not reach them on time,” aniya.

Sa huli, nilinaw ng Speaker na ang kanyang panawagan ay para sa mas mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng publiko.

“Umaapela kami sa inyo hindi bilang kritiko kundi bilang katuwang ninyo sa mabilis at agarang pagtugon sa pangangailangan ng taumbayan,” pagtatapos niya. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles