Sinopla ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber ang apela ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na payagan siyang makalabas sa detention habang nagpapatuloy ang proseso ng kanyang kaso sa tribunal.
Pinagtibay ng Appeals Chamber ang naunang pasya ng ICC Pre Trial Chamber I na manatili sa kustodiya ng korte si Duterte. Ang naturang desisyon ay inilabas noong March 6 matapos suriin ng mga mahistrado ang mga argumento ng depensa.
Batay sa ulat ng ICC, ibinasura ng Appeals Chamber ang lahat ng argumento ng kampo ng dating pangulo na naglalayong makakuha ng interim release mula sa detention facility ng korte sa The Hague.
Isa sa mga punto ng depensa ay ang kalagayan ng kalusugan ni Duterte. Nagharap ang kanyang kampo ng medical report bilang bahagi ng kanilang argumento para sa pansamantalang paglaya. Subalit ayon sa ICC, ang naturang ulat ay walang bagong impormasyon dahil hindi nagsagawa ng bagong pagsusuri ang mga doktor na naghain ng dokumento.
“The Appeals judges unanimously confirm the decision of Pre-Trial Chamber I, which had remanded Mr. Duterte in detention,” saad ni ICC spokesperson Oriane Maillet noong Biyernes ng gabi.
“The Appeals Chamber rejected or dismissed all of the Defense’s arguments and rejected the Defense’s ground of appeal in its entirety,” dagdag pa niya.
Binanggit din sa desisyon ng korte ang pangamba sa posibleng pagtakas ng akusado bilang isa sa mga batayan kung bakit dapat manatili sa kustodiya si Duterte habang nagpapatuloy ang mga pagdinig.
Batay sa desisyon ng Appeals Chamber, walang sapat na dahilan para baguhin ang naunang pasya ng Pre Trial Chamber I. Dahil dito, nananatili si Duterte sa detention ng ICC habang nagpapatuloy ang mga ligal na proseso sa korte sa The Hague. /Bistado


