Umarangkada ang Far Eastern University matapos bumawi sa first set at talunin ang University of the East, 19-25, 25-19, 26-24, 25-11 sa UAAP Season 88 men’s volleyball tournament sa Smart Araneta Coliseum noong March 18.
Nanatiling walang talo ang Tamaraws matapos ang walong laro.
Pinangunahan ni Amet Samuel Bituin ang FEU sa kanyang 15 puntos at 11 excellent receptions, habang nag-ambag din si Dryx Saavedra ng 15 puntos at apat na digs.
Nagbigay rin ng solid support ang iba pang manlalaro ng FEU. Nagtala si Lirick Mendoza ng 12 puntos mula sa siyam na attacks, dalawang blocks, at isang ace. May 10 puntos at siyam na receptions naman si Mikko Espartero sa laban na tumagal ng isang oras at 52 minuto.
Nag-ambag si Charles David Absin ng siyam na puntos habang si Ariel Cacao ay may 25 excellent sets at tatlong puntos. Sa depensa, nagtala ang libero na si Vennie Ceballos ng 18 receptions at 11 digs.
Sa panig ng UE, nanguna si Raquim Aceron na may 21 puntos, 14 receptions, at anim na digs. Sumunod si Roy Piojo na may 15 puntos at 17 excellent receptions.
Sa kabilang laro, tinalo ng defending champion National University ang University of the Philippines, 25-19, 25-14, 25-19.
Nanguna sa NU sina Leo Ordiales at Buds Buddin na parehong may tig-14 puntos, habang nagdagdag si Jade Disquitado ng 13 puntos. Umangat ang NU sa 6-2 record para sa ikalawang puwesto.
Nasa ikatlong puwesto ang University of Santo Tomas na may 5-2 record. Magkasalo naman sa susunod na puwesto ang Ateneo de Manila University at De La Salle University na may tig-3-4 record, kasunod ang Adamson University (2-5), UP (2-6), at UE (1-7).
Maghaharap ang FEU at NU sa darating na Linggo, alas-11 ng umaga sa Araneta Coliseum.
Ayon kay FEU head coach Eddieson Orcullo, inaasahan nila ang matinding laban mula sa UE.
“Not that we were surprised, but we expected UE to really compete,” ani Orcullo. /Bistado


