Isang critically endangered na freshwater turtle ang kasalukuyang inaalagaan at nire-rehabilitate ng Department of Environment and Natural Resources Community Environment and Natural Resources Office (DENR-CENRO) sa Calanasan matapos itong masagip sa isang barangay sa kalapit na bayan ng Pudtol, Apayao nitong Huwebes.
Kinilala ang hayop bilang isang Cantor’s giant softshell turtle o frog-faced soft-shelled turtle. Ayon kay Dorothy Joy Cayaba, officer-in -harge ng CENRO Calanasan, tumitimbang ito ng 10 kilo at may habang 47 sentimetro.
Kabilang ang Cantor’s giant softshell turtle sa listahan ng endangered species ng International Union for Conservation of Nature dahil sa patuloy na pagliit ng populasyon nito.
Nakalista rin ang naturang species bilang threatened species sa ilalim ng DENR Administrative Order 2019-09, na nag-a-update sa pambansang listahan ng mga nanganganib na hayop sa Pilipinas.
Ayon sa mga eksperto, ang ganitong klase ng higanteng pagong ay kayang umabot sa habang hindi bababa sa 1.7 metro at timbang na hindi bababa sa 250 kilo.
Sinabi ni Cayaba na ito ang unang pagkakataon na nadokumento nila ang species na ito sa Apayao River matapos itong aksidenteng mahuli ng isang lokal na mangingisda sa mga sanga ng ilog.
“The concerned resident voluntarily handed the turtle to DENR authorities after catching it while fishing. This prompt action helped the wildlife receive care, highlighting increasing community awareness and cooperation in safeguarding biodiversity,” ani Cayaba.
Una munang sinuri ang pagong ng Apayao Provincial Veterinary Office bago ito dinala sa Laoag Veterinary Clinic para sa karagdagang medical assessment.
Sa isinagawang pagsusuri, napag-alamang may dalang mga itlog ang pagong, senyales na patuloy pang dumarami ang species sa river system.
“The presence of this species in the Apayao River underscores the ecological importance and biodiversity of the Biosphere Reserve of the Apayao (BRyA) – a globally recognized landscape for its pristine ecosystems, abundant rivers, and diverse wildlife,” saad ng CENRO Calanasan sa isang pahayag. /Bistado


