Nagbabala ang Migrant Workers Office (MWO) sa Dubai at Northern Emirates sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) laban sa mga scam na kaugnay ng repatriation assistance ng Department of Migrant Workers (DMW), kasunod ng mga ulat ng panloloko na lumalaganap sa gitna ng nagpapatuloy na Middle East conflict.
Ayon sa Advisory No. 11, Series of 2026, may mga indibidwal at grupo na umano’y nag-aalok ng tulong sa repatriation kapalit ng bayad o personal na impormasyon. Nilinaw ng MWO na ang lehitimong repatriation assistance ng DMW at MWO ay pinoproseso lamang sa official channels.
Pinayuhan ang mga OFW na i-verify ang impormasyon sa pamamagitan ng opisyal na website at social media pages ng DMW at MWO-Dubai, kabilang ang dmw.gov.ph at mwodubai.org, pati ang kanilang opisyal na Facebook pages.
Binigyang-diin din sa advisory na dapat iwasan ang pakikipagtransaksyon sa mga hindi awtorisadong indibidwal, ahente, o social media accounts na nagsasabing sila ay nagpoproseso ng repatriation services.
Pinaalalahanan ang mga OFW na huwag magbahagi ng personal na impormasyon o magpadala ng pera sa mga hindi beripikadong source.
Sa kasalukuyan, ang repatriation requests ay inaasikaso ng MWO-Dubai sa pamamagitan ng kanilang opisyal na hotlines at email. Para sa Assistance to Nationals section, maaaring makipag-ugnayan sa 056-353-5558, 054-223-0822, at 056-153-3057, o sa email na atn.mwodubai@dmw.gov.ph at repat.mwodubai@gmail.com.
Para naman sa OWWA-Dubai, maaaring tumawag sa 050-558-5536 o mag-email sa dubai@owwa.gov.ph. /Bistado


