Magpapatupad ng pansamantalang diskwento sa toll fees para sa mga pampasaherong sasakyan at freight vehicles simula March 23 bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng langis, batay sa anunsyo ng Department of Transportation (DOTr).
Saklaw ng diskwento ang public utility vehicles (PUVs) tulad ng jeep, public utility buses, at mga sasakyang ginagamit sa freight at logistics. Ang hakbang ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa DOTr na humanap ng paraan para maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng gasolina sa transport sector sa gitna ng krisis sa Middle East.
Sa liham ni Toll Regulatory Board Executive Director Jay Art Tugade kay Transportation Secretary Banoy Lopez, sinabi na “Tollway Concessionaires or Operators expressed that they will voluntarily implement a temporary toll discount for essential transport sectors.”
Ipatutupad ang diskwento sa loob ng dalawang buwan at maaari pang palawigin depende sa sitwasyon.
Sa ilalim ng programa, makakatipid ang Class 1 vehicles ng hanggang P18 kada end-to-end trip. Para sa Class 2 vehicles, aabot sa P47 ang matitipid, habang hanggang P72 naman para sa Class 3 vehicles kada biyahe.
Ipatutupad ang diskwento sa pamamagitan ng rebate system, kung saan lingguhang ike-credit pabalik ang halaga sa mga kwalipikadong sasakyan.
Ayon kay Secretary Lopez, makakatulong ang hakbang sa mga tsuper at commuter sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ang diskwento ay boluntaryong ipatutupad ng mga tollway concessionaires bilang bahagi ng pagtugon sa epekto ng oil price increases sa sektor ng transportasyon. /Bistado


