Pormal nang itinuloy ng Pilipinas at China ang usapan hinggil sa sitwasyon sa South China Sea sa diplomatic meetings na naganap sa Quanzhou City, Fujian Province noong March 27 at 28, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Pinangunahan ni Foreign Affairs Undersecretary Leo M. Herrera-Lim ang delegasyon ng Pilipinas habang si Vice Foreign Minister Sun Weidong ang nanguna sa panig ng China sa ika-24 Foreign Ministry Consultations at ika-11 meeting ng Bilateral Consultation Mechanism (BCM).
Ayon sa DFA, nagkaroon ng direkta at malinaw na palitan ng pananaw ang dalawang panig sa iba’t ibang usapin, kabilang ang strategic, political-security, at law enforcement concerns. Iginiit ng Pilipinas na hahawakan nito ang bilateral issues batay sa pambansang interes habang pinapalakas ang kooperasyon sa ekonomiya at ugnayan ng mamamayan.
Tinalakay din ang mga epekto ng global developments, kabilang ang sitwasyon sa Middle East, lalo na sa usapin ng access sa enerhiya at pataba.
Napag-usapan din umano ang posibleng pagtutulungan sa renewable energy, kalakalan, at agrikultura, pati ang pagpapalakas ng people-to-people exchanges sa pamamagitan ng mas maayos na connectivity at posibleng bagong direct air routes.
Sa hiwalay na pulong ng BCM, nagkaroon ng tahasan at masinsinang talakayan tungkol sa sitwasyon sa South China Sea. Ayon sa DFA, muling iginiit ng Pilipinas ang posisyon nito at inilahad ang mga insidente na nakaapekto sa kaligtasan ng mga Pilipinong mangingisda at personnel, kabilang ang mga aksyon na humadlang sa legal na gawain sa dagat.
Binigyang-diin ng Pilipinas ang kahalagahan ng diplomasya at komunikasyon para ma-manage ang mga hindi pagkakaunawaan, pati ang pagsunod sa international law, kabilang ang 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea at ang 2016 South China Sea arbitral award.
Ayon sa DFA, bahagi ang mga pulong na ito ng tuloy-tuloy na dialogue process na nauna nang isinagawa sa Cebu at Beijing ngayong taon. Inaasahan din na susundan ito ng pagpupulong ng foreign ministers ng dalawang bansa sa loob ng taon.
Huling ginanap ang Foreign Ministry Consultations sa Maynila noong March 2023, habang ang huling BCM meeting ay sa Xiamen noong January 2025, ayon sa DFA. /Bistado


