Posible umanong pumalo sa P100 per liter ang diesel sa susunod na linggo habang nagpapatuloy ang girian sa Middle East na nagpapasirit sa presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Batay sa four-day Mean of Platts Singapore (MOPS) forecast, inaasahang magkakaroon muli ng malakihang pagtaas sa presyo ng fuel sa susunod na linggo. Tinatayang tataas ang diesel ng nasa P13 hanggang P22 bawat litro. Ang gasolina naman ay posibleng madagdagan ng P10 hanggang P15 bawat litro habang ang kerosene ay maaaring umakyat ng hanggang P20 bawat litro.
May ilan pang pagtataya mula sa oil trading monitoring na nagpapakita ng average na dagdag na nasa P16 bawat litro para sa diesel at humigit kumulang P11 bawat litro para sa gasolina.
Sa ganitong antas ng pagtaas, inaasahang lalampas sa P100 bawat litro ang diesel sa ilang gasolinahan sa susunod na linggo kapag ipinatupad ang panibagong price adjustment.
Sa kasalukuyan, nasa linya na ng P80 hanggang P90 bawat litro ang presyo ng diesel sa maraming gasolinahan sa Metro Manila. Sa ilang lugar, pumapalo na nga sa higit P90 bawat litro ang presyo ng diesel.
Isa sa mga itinuturong dahilan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo ang tumitinding tensyon sa Middle East na nakaaapekto sa pandaigdigang suplay ng langis.
Sa pinakahuling ulat sa global oil market, umakyat sa higit $100 bawat bariles ang presyo ng krudo matapos ang mga pahayag mula sa Iran na nagbabantang maapektuhan ang suplay ng langis sa rehiyon kung magpapatuloy ang mga pag-atake sa kanilang mga imprastraktura at pantalan.
Sa kabila nito, iginiit ng Department of Energy na sapat ang suplay ng petrolyo sa bansa. Nagbabala rin ang ahensya laban sa hoarding at price manipulation dahil ipinagbabawal ito sa ilalim ng umiiral na batas.
Sa gitna ng tuloy-tuloy na pagsirit ng presyo ng langis, sisimulan naman sa March 17 ang pamamahagi ng P5,000 cash aid para sa mga driver ng public utility vehicles (PUVs) bilang bahagi ng tulong ng pamahalaan sa sektor ng transportasyon.
Unang makatatanggap ng cash assistance ang mga tricycle driver sa Metro Manila sa ilalim ng programang ipatutupad ng Department of Social Welfare and Development. /Bistado


