Nagsampa ng libel at cyber libel complaint sina Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima at 2025 Ramon Magsaysay Awardee Fr. Flaviano “Flavie” Villanueva laban sa abogado na si Atty. Levito Baligod at sa 18 umano’y dating Marines na nagdaos ng press conference at nagpakilalang “bagmen” ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Dumating sina De Lima at Villanueva sa tanggapan ng Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation sa Filinvest Cyberzone sa Pasay City bandang alas 9 ng umaga ngayong Lunes, March 9, para ihain ang reklamo.
Matapos nito, nagtungo rin ang dalawa sa Department of Justice sa Padre Faura, Maynila kung saan naghain sila ng hiwalay na reklamong perjury laban sa 18 umano’y dating Marines kaugnay ng kanilang mga alegasyon.
Kabilang sina De Lima at Villanueva sa mga personalidad na pinangalanan ng grupo bilang umano’y tumanggap ng kickback mula sa mga kuwestiyonableng flood control projects.
Ang mga alegasyon ay lumutang matapos ang isang press conference kung saan inilahad ng 18 umano’y dating Marines ang kanilang sinasabing papel bilang tagapagdala ng pera o “bagmen” sa mga transaksyon na may kinalaman sa flood control projects.
Gayunman, kalaunan ay umamin si Baligod na nagkaroon ng “oversight” sa pagbanggit kay De Lima bilang isa sa mga umano’y tumanggap ng maleta ng pera. Sa kabila nito, iginiit pa rin ng abogado na isinama niya sa listahan ang dating senador dahil umano’y nakita siya sa mga pagpupulong kung saan may iniabot na “paper bag” na naglalaman ng pera.
Noong nakaraang linggo, naglabas na rin ng subpoena ang NBI laban kay Baligod at sa 18 umano’y ex-Marines kaugnay ng kanilang mga paratang.
Para kina De Lima at Villanueva, ang paghahain ng libel, cyber libel at perjury complaints ay hakbang para papanagutin ang mga naglabas ng alegasyong umano’y sumisira sa kanilang reputasyon. /Bistado


